Ni: Ana Paula A. Canua
MALAYO na nga ang narating ng teknolohiya dahil ngayon hindi na lamang nito pinabibilis at pinabubuti ang ating mga trabaho, ito rin ay nagbibigay pag-asa sa pagbuo ng pamilya.
Para sa mga hirap magkaanak, tanging pag-asa lamang mula sa biyaya ng Maykapal ang kanilang inaasahan upang magkaroon ng anak, ngunit ngayon sa tulong ng teknolohiya mas binibigyan nito ng malaking pag-asa ang mga mag-asawa na mapagkalooban ng anak.
Sa pamamagitan ng egg freezing o ang pagre-restore ng egg cells ng babae habang ito ay nasa hustong edad pa. Ayon sa pananaliksik napatunayan na malaki ang tyansya na magkaroon ng abnormalidad o syndrome ang sanggol na pinanganak kapag nasa matandang gulang na ang kanyang ina.
Sa pamamagitan ng egg freezing kukuha ng mature egg cells mula sa ina habang ito ay nasa hustong edad pa para magdalang-tao. Kapag humantong na sa 35 gulang pataas ang babae maliit na bilang na lamang ng egg cells ang naproduce nito, dahilan para lumiit din ang tyansya na mabuntis ito.
Halimbawa, kung ang isang babae ay nasa 35 at sasailalim sa egg freezing procedure, mare-restore ang egg cells nito noong 35- anyos pa lamang at maari itong magamit pa sa mga susunod na mga taon.
Kailan ito nagsimula?
Nagsimulang makikilala ang egg cell freezing noong taong 2010, ito ay matapos ipanganak ang kauna-unahang sanggol na dumaan sa nasabing proseso.
Simula noon pinakilala sa medisina ang egg cell freezing bilang opsyon sa mga babaeng may cancer na kailangang dumaan sa chemotheraphy.
Napatunayan kasi na pinapababa ng chemotheraphy ang tyansa na magkaanak.
Bago sumalang sa chemotheraphy sessions ang isang babae, kinukuhanan na ito ng mature egg cells sa kanyang ika-dalawang araw ng buwanang dalaw.
Matapos kumuha ng bilang ng mature egg cells, pinoproseso ito sa laboratoryo upang mapanatiling buhay at malusog upang magamit ito sa mga susunod na buwan o taon.
Taong 2014, naging mas maingay ang egg cell freezing matapos ianunsyo ng kumpanyang Apple at Facebook na sagot ng kompanya ang gastos ng egg cell procedure para sa kanilang mga babaeng empleyado. Simula noon pinag-usapan na online ang kontrobersyal ngunit nakakamanghang proseso.
Sa mga sumunod na taon hindi na lamang para sa mga babaeng sasailalim sa chemotheraphy ang egg cell freezing kundi para na rin sa mga mag-asawang nais magka-anak sa kabila ng pagtanda.
Mga dahilan ng egg cell freezing
Mayroon lamang na tatlong dahilan na pinahihintulutan ang medisina na sumailalim sa egg cell freezing procedure, ito ay ang; una, sasailalim sa chemotherapy o mga treatments na maaring makapekto sa ovaries at fertility ng pasyente, pangalawa, ang sasailalim sa gender re-assigment o ang pagpapalit sa pamamagitan ng operasyon ng kasarian. At ang huli, ay para sa age-related fertility decline.
Paano ito ginagawa?
Kung 35-anyos na ang babae at nahihirapang magbuntis, sasailalim na muna siya sa proseso ng fertility mot upang malaman kung nababagay sa freezing ang kanyang mga egg cells.
Kapag nakumpirma na maaari itong sumailalim, babakunahan ang pasyente ng ilang beses upang ma-stimulate ang kanyang ovaries para mas madali ang pangongolekta ng egg cells.
Agad na sasailalim sa ‘vitrification’ o ang mabilis na pagyelo sa espesyal solution ang egg cells, sa puntong ito tila magiging salamin ang yelo sa kapal at lamig nito. Ang egg cells na ito ay maaring ma-preserve ng ilang buwan o taon, hanggang sa handa na muli ang pasyente na magdalang tao.
Upang ‘fertilize’ ang egg cell, dadaan muli ito sa panibagong proseso, na aangkupan ng ‘sperm cells’ ng lalaki upang mabuo ang embryo. Kapag naging matagumpay ito, ang embryo ay maaari ng ilagay sa uterus ng babae, at mula roon magsisimula na ang kanyang siyam na buwang pagbubuntis.
Magkano ito?
Kung noon sa ibang bansa lamang ang procedure na ito, ngayon mayroon na rin sa ating bansa. Nagkakahalaga ng P130, 000 ang buong proseso, samantalang kailangang magbayad naman ng P11,000 kada taon bilang bayad sa ‘restoration’ ng inyong egg cells sa laboratoryo.
Biyaya ng Maykapal
Ang anak ay biyaya mula sa Maykapal, kaya naman marami sa mga mag-asawa ang ginagawa ang lahat upang biyayaan nito, nariyan ang sumayaw sa Obando, magpunta sa faith healer, magdasal sa lahat ng santo, maging deboto ng simbahan. Walang duda na pinatatatag muna ng Diyos ating paniniwala bago tayo bigyan ng regalo. Ang kaloob na pamilya ay isang napakalaking biyayang dapat ingatan at pahalagahan.
Sabi nga nila ang pagkakaroon ng anak ay panibagong yugto sa pagsasama ng mag-asawa, nawa kung kusa man na dumating, o hindi kaya ay ginamitan ng teknolohiya, maging dahilan sana ito para magbukas ng natatangi at walang kapantay na pag-ibig.