MAIGING komunsulta sa doktor ng mas epektibong lunas na naaayon sa paggamot ng alipunga.
Ni: Kristine Joy Labadan
ANG alipunga (athlete’s foot) ay isang pangkaraniwang karamdaman sa balat na naaapektuhan ang ilalim ng paa at balat sa pagitan ng mga daliri nito.
Sa katunayan, isa itong uri ng nakakahawang fungal infection na maaaring kumalat mula sa mga kontaminadong sahig, twalya at mga damit.
Kadalasang nagkakaroon ng alipunga kapag pinapawisan ang paa nang nakakulob sa sapatos.
MGA SINTOMAS
Kadalasang nagdudulot ang alipunga ng scaly at mapulang rash na nagsisimula sa pagitan ng mga daliri ng paa. Pangangati at paghapdi ng balat sa paa ang kadalasang sintomas ng impeksiyong ito. Mararanasan ang madalas na pagbabalat ng paa at kung malala nama’y mararanasan ang pag-crack, pananakit, at pagdurugo sa paa. Dahil dulot ito ng fungus, pwede itong kumalat sa kamay lalo na kapag kinamot ang apektadong paa at kakalat din sa iba pang bahagi ng katawan.
Ang alipunga’y nagdudulot ng fungus na nagdudulot din ng buni at hadhad. Ang namamasang medyas at sapatos, at ang mainit at humid na panahon ay naaayon na kondisyon para sa fungus. Pwedeng makuha ang fungus na nagdudulot ng alipunga mula sa kontaminadong lugar kagaya ng gym, locker room, swimming pool, nail salon at mula sa kontaminadong kagamitan kagaya ng medyas, twalya at damit.
LUNAS AT PAG-IWAS
Unang paraan sa paggamot ng alipunga ay ang pananatiling malinis at tuyo ang mga paa sa paggamit ng sandals para mahanginan ang paa imbes na makulob ito. Makakatulong din ang paggamit ng koton na medyas na pwedeng sumipsip sa pawis ng paa.
Ang susunod naman na hakbang ay ang paggamit ng antifungal na gamot katulad ng cream, ointment, lotion, spray atbp. Ituloy-tuloy ang paggamit ng antifungal na gamot sa loob ng isa hanggang apat na linggo hanggang tuluyang mawala ang mga sinyales at sintomas ng alipunga.