Ang Philippine Basketball Association (PBA) ay hitik sa makukulay na kasaysayan ng mga sikat na manlalaro ng liga sa iba’t ibang panahon. May mga manlalaro ang PBA na tinaguriang “Skywalker” tulad nina Danny Florencio, (Danilo Zoleta Florencio) Johnny Abarrientos, Samboy Lim at iba pa.
Ang mga basketbolistang ito ay kinilala sa kani-kanilang mga katangian, na mistulang lumilipad sa ere. Kaya nga tinawag na “The Flying A” si Johnny Abarrientos ay dahil nagagawa niyang tumagal sa ere samantalang inile-layup ang bola.
Gayundin naman si Samboy Lim. Marami siyang pinahangang basketball fans sa kanyang mga acrobatic shot, kaya naman binansagan siyang “Skywalker,” lalo na sa slum dunk competition.
Tulad ng ibang PBA players, si Danny ay nagsimula ng kanyang basketball career sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) sa kanilang team na UST Growling Tigers.
Hindi karaniwang basketbolista si Danny. Gusto niya na kakaiba sa karaniwan, bagay na palaging napapansin ng kanyang coach sa Tigers. Paborito ni Florencio ang kakaibang estilo sa pagle-layup ng bola. Pinaglilipat-lipat niya ang bola sa kaliwa at kanang mga kamay.
Nagagawa rin niyang ilipat ang bola sa kabilang kamay na sa likod pararaanin samantalang siya ay nasa ere. Ang kakaibang aksiyon na gustung-gustong makita ng kanyang fans ay ang pagle-layup ng bola na mula sa likuran ay pararaanin ang bola sa pagitan ng kanyang mga hita, kukuhanin ng kaliwang kamay, ililipat muli sa kanang kamay saka ihahagis sa ring ang bola. Sa gayong aktibidad nasasabihan ng coach si Danny na: “Gusto mo bang magpalabas sa circus?”
MULA SA UAAP HANGGANG SA MICAA
Bago natatag ang PBA, ang Manila Industrial and Commercial Athletic Association (MICAA) liga ng basketball ang namayagpag noon. Ilan sa mga koponang kalahok sa liga ang Crispa Redmanizers, Meralco Reddy Kilowatt, YCO Painters, 7-Up Uncolas, Universal Textiles at iba pa.
Ang dalawang team na mahigpit na magkaribal sa MICAA ay ang Crispa at Meralco. Si Florencio ay kabilang sa Redmanizers samantalang sa Reddy naman kalahok ang karibal niyang player sa UAAP na si Robert Jaworski.
Sa Painters naman kabilang si Freddie Webb, isa sa mga sikat na players ng MICAA ng panahong iyon. Nakapaglaro rin si Florencio sa YCO. Sa tuwing may laban ang Meralco at Crispa, punumpuno ng fans ang Araneta Coliseum.
Nagsisigawan ang mga tagahanga ni Danny, kapag ito ay nakapagbubuslo ng bola sa ring. Lalo pa’t nagawa niyang mag-shoot gamit ang estilo na mistulang lumalakad sa ere.
“Iyang si Florencio, ang orig na ‘Skywalker.’ Palagi siyang bukambibig ng kanyang mga tagahanga at sasabihin pang si Danny, nagsaing na naman sa ere,” anang beteranong PBA sports photographer na si Max Ferrer.
Kahit nga harangin pa siya ng center player ng Reddy, ang 6’11 na si Bob Presley ay nagagawang lusutan ni Danny ang mahahabang pata ng import player ng kalabang koponan.
NAGRETIRO SA PANAHON NG PBA
Palibahasa ay mahusay, nakasama rin si Florencio sa national team. Nagwagi ng gold medal ang Pilipinas noong 1967 sa ABC Championships na ginanap sa Tokyo, Japan. Naging daan ang tagumpay na iyon upang makalahok ang Pilipinas sa Summer Olympics na ginanap sa bansang Mexico noong 1968 at kalahok din ang Pilipinas sa Munic Olympics noong 1971.
Nang matatag ang PBA, kinuha ng U/Tex Wranglers si Florencio. Kasama niya sa team sina Rudolph Kutch at Larry Mumar, na kapwa may malaking pangalan sa MICAA.
Ang iba pang team na nilahukan ni Danny ay ang Toyota Super Corollas at 7-Up. Kahit hindi kasintanyag ng Meralco at Crispa ang mga team na nilahukan ni Danny, hindi pa rin maikakaila ang angking galing na taglay ng “Skywalker.”
Sa loob ng walong season sa PBA, napanatili ni Danny ang pagiging highest pointer player na may average na 32.3 points sa bawat laro sa loob ng 39 games. Nakapagtala rin siya ng 64 points sa isang conference sa liga. Ang record ni Florencio ay tinabunan ni Allan Caidic, ang tinaguriang “The Triggerman” ng PBA.
Nang magretiro sa basketball si Danny, nangibang-bansa siya at doon naghanapbuhay. Pagbalik niya sa Pilipinas, napabilang siya sa “25 PBA Greatest Players” ng 2000 at ibinilang sa “PBA Hall of Fame” noong 2007.