
Ni: Eugene B. Flores
MAKASAYSAYAN, ganito maihahalintulad ang pagpirma ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Bangsamoro Organic Law na naglalayong maresolba ang dekadang problema sa Muslim Mindanao Region.
Pormal na pinirmahan ng Pangulo sa Malacañang ang Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang Republic Act 11504 na papalit sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) at magiging Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).
“May this serve as the final trajectory for the attainment of genuine peace, stability, [and] good governance in Muslim Mindanao,” wika ng Pangulo.
Kabilang sa mga dumalo sa ceremonial signing ay ang mga mambabatas na nanguna sa pagpapasa ng batas at ang mga pinuno ng Moro Islamic Liberation Front o ang MILF.
Pinasalamatan naman ng Pangulo ang MILF. Moro National Liberation Front o MNLF at ang Bangsamoro Transition Commission maging ang mga mambabatas sa kanilang matibay na determinasyon, commitment at pagtitiyaga tungo sa kapayapaan ng rehiyon.
Ang pagnanais ng mga Moro na maibalik ang kapayapaan sa rehiyon at maipasa ang BOL.
PLEBISITO NG BOL
Hinikayat din ng Pangulo ang mga nasasakupan ng BARMM na maging aktibo sa mga konstruktibong diskusyon ukol sa kanilang mga batas sa tahanan, nayon at komunidad at higit sa lahat ay maging parte ng gaganaping Barangay Organic Law plebiscite upang maipahayag ang kanilang nais sa pamamagitan ng mga balota.
Nakatakda ang plebisito sa Enero 2019 at tiniyak na ng House of Representatives ang P854 milyon na badyet para rito.
Handa rin umano ang Commission on Elections (COMELEC) sa magaganap na plebisito bagamat nalalapit na rin ang midterm election sa Mayo. Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez ay hindi ganoong nakakapagod ang plebisito kumpara sa national election sapagkat nasa tatlong milyon lamang ang boboto rito.
Kaya umanong mag-imprenta ng isang milyong balota sa isa hanggang dalawang araw ang ahensya at aabutin lamang ng dalawang linggo upang maipadala ang mga kakailanganin para sa plebisito.
Dapat magkaroon ng plebisito sa loob ng tatlo hanggang limang buwan matapos mapirmahan ang BOL. Ito’y upang malaman kung mapapaloob sa teritoryo ng BARMM ang mga syudad sa Cotabato sa Maguindanao at Isabela sa Basilan, anim na munisipalidad sa Lanao del Norte at 39 na barangay sa North Cotabato.
“Let us work together as we continue the healing and reconciliation process. Let us give this law a chance to address the Bangsamoro people’s aspiration for genuine autonomy, while preserving our bond as a single nation and affirming the sovereignty of the indivisible Republic of the Philippines.” wika ng Pangulo.
Pinakita ng mga Moro ang kanilang suporta sa pagpirma ng BOL sa isang tarpaulin.
PATUNGO SA KAPAYAPAAN NG MINDANAO
Inaasahan na ang batas ay ang magiging susi upang muling sumibol ang kapayapaan sa rehiyon. Sinabi ni MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim na magdi-disarm ang 30,000 hanggang 40,000 nitong armed fighters kapag tuluyang naipasa na ang batas.
Dagdag pa niya, naging produktibong komunidad ng mga sibilyan na ang anim na pinakamalaking kampo ng guerrillas sa Timog upang maibalik ang normal na buhay ng mga ito.
Sa kasalukuyan, inaasikaso na ng mga kinatawan ng gobyerno at ng MILF ang pagpapaliwanag ng Bangsamoro Organic Law sa mga stakeholder sa Mindanao na pumirma ng kanilang manifesto sa Cotabato City.
“This is just the beginning, we must double our efforts to make this law successful,” wika ni Nabil Tan, Deputy Presidential Peace Adviser. “With the plebiscite upcoming, I encourage everyone to continue bringing the message of the Bangsamoro Organic Law,”
Ang bagong batas umano ay mas pinagandang ARMM na mayroong magandang kinabukasan.
“We got the support of almost all sectors, especially support coming from the President, as I always say that we have reached a milestone. But remember, we still have a lot of challenges to work on. The job will not be easy but if everybody will stay the course then maybe we can reach the ultimate dream – sustainable peace,” ani Presidential Peace Adviser Jesus Dureza.
Sistema sa BARMM
Bilang isang organic act, layon ng batas na ito na mapalitan ang ARMM upang maging BARMM at magkakaroon ng sariling gobyerno ang rehiyon na nakalagay sa pinirmahang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB na isang peace agreement na nabuo noong Marso 27, 2014.
Makakatanggap ng P50 bilyon na special development fund ang BARMM na ibibigay sa loob ng sampung taon. Ito ay upang maisaayos ang mga imprastrakturang nasira sa mga nagdaang bakbakan sa rehiyon.
Pangungunahan ang rehiyon ng isang chief minister at dalawang deputy minister na magmumula sa parliament. Ang mga miyembro naman ng parliament ay may tatlong taon na panunungkulan at hanggang tatlong termino na sunod-sunod lamang.
Makakatanggap din ng limang porsiyentong block grant bawat taon ang BARMM mula sa national internal revenue na nagkakahalagang P60 bilyon hanggang P70 bilyon.
Ang pulisya naman sa rehiyon ay pamumunuan ng isang regional director ngunit mananatili pa rin itong hawak ng Philippine National Police (PNP).
Sa usaping enerhiya naman, mayroong joint powers ang gobyerno at ang Bangsamoro upang linangin, alamin at idebelop ang uranium at fossil fuels na nakapaloob sa teritoryo ng rehiyon.
Sa ilalim ng batas na ito mabibigyan ng higit na kapangyarihan ang rehiyon at mas malawak na teritoryo.
“We look forward to working with our countrymen in Mindanao in bringing the much-needed development to the island.” sabi ni Presidential spokesperson Harry Roque ukol sa pagsasabatas ng BOL.
Maraming hakbang pa ang kakailanganin upang maging matagumpay ang bagong rehiyon. Umaasa naman ang pamahalaan, maging ang mga Moro na ito na ang magtatapos sa kalahating siglong sigalot.