Kasabay ng pagbabago ng millennials sa industriya ng pagkain ay ang pag-usbong nito at pagbibigay halaga sa kalusugan at locally-sourced na mga rekado at sangkap.
Ni: Jonnalyn Cortez
Gumawa ng ingay ang henerasyon ng mga millennials sa pagitan ng pagsisimula ng mga bagong trends mula sa pananalita hanggang pananamit, lalo na nga sa pagkain. Sa henerasyon na ito nagsimula ang mga food hubs, banchetto, food market, samgyupsal, milk tea, at marami pang ibang food trends.
Sa katunayan, sa pag-aaral na isinagawa ng Technomic noong 2019, napag-alamang mas madalas na kumakain ang mga millennials sa labas kaysa sa bahay. Dahil dito, nagsimulang mabago ang industriya ng pagkain dahil sa mga millennials.
Mga lugar at uri ng pagkain na paborito ng millennials
One-third ng agahan, kalahati ng tanghalian, at apat sa sampung hapunan ng mga millennials ay ginagawa nila sa labas. Madalas ito sa mga fast-food restaurants (85 porsyento), street-food carts (82 porsyento), cafeterias sa opisina (81 porsyento), at karinderya (80 porsyento). Malaking porsyento rin ang kumakain sa mga cafes na nagsisilbi ng mga espesyal na inumin, katulad ng kape at milk tea (76 porsyento), at mga baked na cake, tinapay, at iba pa (74 porsyento). Sinundan naman ito ng mga restaurants (74 porsyento) at vending machines (56 porsyento).
Halos lahat nga raw ng mga Pilipinong millennials (84 porsyento) ay gustong makasubok ng mga bagong pagkain at flavors. Apatnapu’t tatlong porsyento naman ang nagsasabing gusto nilang subukan ang mga bagong lugar na pwedeng kainan.
Walo sa sampung mga millennials ay gusto ang lutuing Pinoy at Amerikano. Anim sa sampu naman ang gusto ng Korean at Japanese food, habang kalahati rito ay mas hilig ang Chinese cuisine.
Mas madalas din kumain ang mga Pilipinong millennials sa labas kumpara sa ibang mga millennials sa buong Asya.
Photo food trend 1: Millennials, malaki ang impluwensya sa pagbabago ng industriya ng pagkain ngayon.
Pag-usbong ng food delivery
Ayon sa Word Text, nais ng mga millennials ng convenience pagdating sa pagkain. Sa katunayan, nang magsimula ang meal kit service sa Amerika noong 2007, naging $10-billion industry na to ngayong 2020, salamat sa mga millennials.
Ilan pa nga sa mga laging ginagawa ng mga millennials ay ang pag-order ng pagkain online o sa telepono. Sa ginawang Food and Health Survey ng International Food Information Council noong 2017, 55 porsyento ng millennials ay mas pinipili ang mas madaling bilhin na pagkain. Tatlo sa sampung mga millennials ay nagte-take out ng pagkain o nagpapa-deliver.
Hindi lamang basta-basta trendy ang gusto ng mga millennials, kundi ang mga healthy, locally-sourced at organic na pagkain.
Pagsikat ng organic at natural na pagkain
Gayunpaman, hindi dahil mas gusto ng mga millennials ng mabilisang pagkain ay wala na silang pakialam kung healthy o organic ito.
Bukod sa pagbago ng industriya ng pagkain, binago rin ng millennials ang kahulugan ng masustansyang pagkain. Imbes na mga low-fat foods, mas pinipili ng mga millennials ngayon ang mga natural, organic, locally-sourced, at sustainable na mga pagkain. Limampu’t dalawang porsyento o lagpas sa kalahati ng mga millennials ang kumakain ng gulay at organic na pagkain kumpara sa mga baby boomers.
Mas conscious din ang mga millennials kung saan gawa ang kanilang pagkain. Walumpung porsyento ang gustong malaman kung saan inani ang kanilang mga kakainin. Kaya nga naglabasan ang mga “locally-sourced” at “farm-to-table” na mga kainan at uri ng pagkain sa mga menu sa restaurants ngayon.
Bukod sa lasa, mahalaga rin sa millennials ang experience na dala ng pagkain.
Food trend at social media
Syempre pa, bukod sa pagiging healthy, gusto rin ng mga millennials ma-experience ang mga bagong trend sa pagkain. Kung dati ay masaya na ang mga kabataan sa pizza at fries, ngayon, gusto na nila ng unique at customizable na mga pagkain. Ito rin ang dahilan kung bakit naglabasan ang iba’t-ibang uri ng mga pagkain mula sa mga flavors ng inumin hanggang sa mga iba’t-iba at pinaghalo-halong mga sangkap at rekado. Andyan ang avocado toast, tuyo pizza, matcha milk tea, DIY pizza, at marami pang iba.
Apatnapung porsyento ng mga millennials ay gustong sumubok ng iba’t-ibang pagkain kahit pa kumakain sila sa iisang restaurant lamang, ma-pa vegan food o cultural cuisines man ito. Mabenta rin sa millennials ang mga unique na design sa restaurant na maituturing na Instagrammable o Instagram-worthy.
Nasabi na rin naman ang Instagram, isa pa sa mga bumago ng industriya ng pagkain ngayon, dahil na rin sa mga millennials, ay ang paggamit ng social media. Hindi lamang ang lasa, uri, at kaibahan ng pagkain ang labanan ngayon para sa mga millennials, kasama rin dito ang kakaibang experience na maaaring ipagmalaki sa social media. Ngayong henerasyon ding ito nagsulputan ang mga food reviews.
Pitumpu’t limang porsyento ng mga millennials ay mas kinukunsidera ang experience sa pagkain kaysa sa lasa o nourishment na taglay nito. Idagdag mo pa rito ang madalas na paggamit ng social media ng mga millennials, madalas silang gumawa ng food reviews online kahit lamang sa simpleng post na makakaimpluwensya o engganyo sa mga makakabasa.
Tunay ngang nabago ang industriya ng pagkain ngayon dahil sa mga millennials. Kahit pa ibang-iba ito kumpara sa mga nakaraang henerasyon, malaking tulong naman ang dala nito para sa naturang industriya.