Ni: Quincy Joel V. Cahilig
MARAMI sa mga Pinoy ang aminado na hindi ganoon kaganda ang taong 2018 dahil sa hagupit ng mataas na inflation rate, na lubhang bumutas ng ating bulsa.
Gayon pa man, malaking pasasalamat na rin natin at, kahit papaano, nalalampasan natin ang pahirap ng matataas na presyo ng bilihin, kahit na sobrang higpit na ng ating sinturon at sobrang ikli na ng ating kumot.
Sa kabila ng lahat, sa pagtatapos ng taon, marami pa rin naman sa atin ang nakakakita ng “silver lining” at umaasang bubuti pa ang buhay sa 2019.
Nguni’t makakaasa nga ba ng kaginhawahan ang mga Pinoy sa taong 2019? Makakabawi na ba si Juan Dela Cruz sa susunod na taon?
POSITIVE OUTLOOK NG MGA EKSPERTO
Tinataya ng International Monetary Fund (IMF) na papalo sa 6.6 porsyento ang economic growth ng bansa sa susunod na taon at bahagyang bababa ang inflation rate, na kasalukuyang nasa 6.7 porsyento. Nakikita din ng IMF na ang mahinang piso, higher excise taxes at ang pagtaas ng presyo ang magiging “key inflation drivers” sa 2019.
Sa kabila nito, malaki ang naitulong ng Rice Tariffication sa pagpapababa ng presyo ng bigas at pagpapanatiling sapat ang supply nito sa merkado. Kaya asahan na unti-unti nang maiibsan ang hirap ng maraming Pinoy pagdating sa bigas, na staple food sa ating bansa.
Positibo naman ang prediction ng Economic Update ng World Bank sa Pilipinas para sa susunod na taon bunsod ng direksyon ng sustainability at inclusiveness na dulot ng political will ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtataguyod ng maingat na fiscal management, gayon din ang pagpapatupad ng tax reforms at malakihang public investment projects tulad ng “Build, Build, Build”.
Dahil sa massive infrastructure project na ito, inaasahan din na tataas pa ang infrastructure spending ng pamahalaan, kung saan 44 sa 75 na proyekto ang naipatupad na.
Pagdating naman sa Investment Climate, isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na rate ng foreign direct investment (FDI) sa ASEAN at tinatayang mapapanatili nito ang momentum. Sa unang bahagi ng 2018, lumago ng 42 porsyento ang FDI dahil sa pagtaas ng investor confidence sa bansa.
Samantala, naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang kabuuang approved foreign investments sa second quarter ng 2018 na umabot sa PHP30.9 bilyon, na halos doble ng PHP18.2 bilyon na naitala noong 2017.
Ang mga numerong ito ay indikasyon ng “favorable investment climate” sa bansa at mataas na kumpiyansa ng mga foreign investors kaya patuloy umano na dadagsa ang inflows ng FDI.
Pagdating naman sa Banking and Credit, “very positive” ang pagtaya ng Moody’s investor service report sa banking system ng Pilipinas, na napanatili ang Baa2 rating credit outlook. Tintataya ng Moody ang stable credit growth sa susunod na 12-18 na buwan.
Samantala, isang magandang indikasyon din ang patuloy na pagbaba ng external debt ng bansa sa mga nakalipas na mga taon.
IKATLONG TELCO: SUSI SA PAGLAGO
Inaasahan din na magiging malaki ang positive impact sa ekonomiya ng pagdating sa bansa ng ikatlong TELCO player na tatapos sa duopoly situation sa industriya ng telecommunication. Kinumpirma na ng National Telecommunications Commission ang Mislatel bilang third major telecommunication player. Ito ang kumpanya na binubuo ng Chinese state-owned China Telecom, Udenna Corporation at Chelsea Logistics, na pagmamay-ari ng Davao-based businessman na si Dennis Uy.
Batay sa mga pag-aaral, magdudulot ito ng mas mahusay na internet service sa bansa, nguni’t sa mas mababang presyo dahil sa magiging competition sa industriya. Bagay na matagal nang inaasam ng mga Pinoy na frustrated na sa pangit na sitwasyon at reputasyon ng mala-pagong na internet service sa Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa.
Sa pagganda ng serbisyo ng internet sa bansa, mas magiging mabilis ang takbo ng kalakalan at makapagbubukas din ito ng marami pang livelihood opportunities.
Nakikita din ng mga eksperto na marami pang foreign investors ang magkakaroon ng interest sa telecom at power sectors dahil sa itinutulak na constitutional amendments ng pamahalaan. Ang Services sector ang ikalawa sa pinakamalaking ambag sa Gross Domestic Product ng bansa, sunod sa Industry sector.
Base din sa mga datos, patuloy naman ang pagbaba ng kahirapan sa bansa at mananatiling mataas ang labor rate sa bansa, na nasa 94.6 porsyento sa kasalukuyan.
Inaasahan na papalo na sa 106.6 milyon populasyon ng bansa nguni’t ito ay magiging advantage ng bansa dahil sa “young, well-educated, and dynamic” na workforce.
DI DAPAT MAGING KAMPANTE
Sa kabila ng mga inaasahang mabubuting bunga ng mga programa ng pamahalaan sa susunod na taon, mayroon pa ring mga internal at external factors na kailangan pa ring isaalang-alang.
“Philippine business depends on sales locally and abroad to fuel enterprise growth. With Filipinos’ savings depleted due to the 2018 high inflation and with the possibility of still high inflation in 2019, there is concern that consumer spending may not go back to pre-2018 levels. That will not happen if the Duterte administration decides to continue imposing higher levels of excise taxes,” wika ng business expert na si Melito S. Salazar, Jr.
Aniya pa, apektado din ng patuloy na trade war sa pagitan ng U.S. at China ang export sales ng Pilipinas at kailangan itong matugunan ng gobyerno.
“Export sales will be affected by the trade war between China and the United States. If the Philippines sells components of products that each country will impose higher tariffs on, the sales effect will cascade down to sales of components. Even if Philippine exports are not imposed additional tariffs, the American consumer will adjust their bundle of purchases considering that some items will have higher prices.”
Hiling naman niya sa pamahalaan para sa 2019, mas palakasin pa ang Philippine business para magkaroon pa ng maraming trabaho sa bansa para di na kailangan magtrabaho abroad ng mga Pinoy at iwanan ang kanilang pamilya.
“Business wishes that the Duterte administration will prioritize Filipino consumer interests over the need to increase government revenues… The Duterte administration can raise more funds by curbing the propensity of public officials to use wantonly public funds.,” wika ni Salazar.