Ni: Dennis Blanco
MULING nagbunyi ang sambayanang Pilipino nang itanghal na Miss Universe 2018 ang pambato natin na si Miss Philippines Catriona Gray. Ito na ang pang-apat na pagkakataon na nasungkit ng Pilipinas ang korona ng Miss Universe, ang pinakasikat at prestihiyosong patimpalak sa larangan ng kagandahan, karunungan at kabutihan ng mga kababaihan sa buong mundo na ginagawa taon-taon. Ang Miss Universe ay nauna nang napagwagian ni Gloria Diaz (1969), Margie Moran (1973), Pia Wurtzbach (2015) at ang pagkapanalo ni Catriona Gray ngayong 2018 ay isang maagang pamasko sa mga Pilipinong naghahanap ng isang inspirasyon na sumasalamin sa katotohanan, kagandahan at kabutihan ng bawat isang Pilipino.
Sa aspeto ng katotohanan, ay ipinakita ni Catriona Gray ang kahalagahan ng pagiging totoo sa pagsagot ng mga tanong na ibinato sa kanya sa question and answer portion hinggil sa kung payag ba siyang gawing ligal ang paggamit ng marijuana, na kanya namang makatuwirang sinagot na payag siyang gawin itong ligal for medical purposes at hindi for recreational purposes, at ito ay dapat gamitin in moderation. Sinundan pa ito ng panghuling tanong na may kinalaman sa kung ano ang pinakamahalagang aral na natutunan niya sa buhay at paano niya ito gagamitin at isasabuhay ang aral na ito sa pagiging Miss Universe niya, na kaniyang buong loob na sinagot na ang paghahanap ng kagandahan sa kabila ng kahirapan, paghahanap ng pagkakataon kung paano siya makakatulong at ang pagiging mapagpasalamat sa lahat ng oras ang sadyang magbibigay ng saya’t ngiti sa mga bata.
Sa aspeto naman ng kagandahan, ito man ay panlabas o panloob na kagandahan, ay naipakita ni Catriona Gray ang ganap na kagandahan sa swimsuit o evening gown competition na kung saan ang kanyang lava walk at head turn ay sadyang nakakamangha at umani ng mga papuri sa mga manonood mula sa iba’t iba panig ng mundo. Bukod pa rito ang pagsuot ng national costume na kanyang inirampa bagama’t ito ay mabigat at may teknikal na problema. Subalit ang tunay na kagandahan niya ay lumutang marahil sa kaniyang nag-uumapaw na kumpiyansa na nagmula sa mahabang panahon na ginugol sa pagsasanay, pag-eensayo at pagsasakripisyo para matamo ang tagumpay.
Sa aspeto naman ng kabutihan, malinaw na naipakita at naisagawa ni Catriona Gray kung gaano ka-busilak ang nilalaman ng kaniyang puso lalo na sa mga batang mahihirap sa pamamagitan ng kaniyang proyekto na, Paraiso: The Bright Beginnings Project”, na kumakalap ng pondo para matulungan ang mga bata na nasa Smokey Mountain landfill sa Tondo, Manila at kaniyang adbokasiya na “Young Focus Philippines”, isang non-government organization na nagbibigay ng libreng edukasyon sa mga mahihirap na bata. Sa pamamagitan ng proyekto at adbokasiya na ito ay nakapagpatayo na siya ng mallit na eskuwela para sa mga mahihirap na bata sa Smokey Mountain.
Subalit higit pa sa tatlong katangiang nabanggit na taglay ni Catriona Gray, ang pagiging makabansa at pagiging tunay at tapat na Pilipino ang pinakamaganda niyang katangian. Ang pagkapanalo niya ng Miss Universe para sa Pilipinas ay isang malaking karangalan para sa isang bansa na nagnanais ng kasaganahan, kapayapaan at kasiyahan sa buhay. Mabuhay si Catriona Gray at Manigong Bagong Taon sa lahat!!!