HOUSE Majority Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez
NAIS ni House Majority Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na ibalik ang Project Gintong Alay ng dekada 70 para mapataas ang competitiveness ng mga atletang Pinoy na sasabak sa mga international sporting event.
Kaya naman ay nananawagan ngayon si Romualdez, na siya ring Chairman ng makapangyarihang House Committee on Rules sa pamahalaan, pribadong sektor at mga corporate sports patrons na magpakita ng malasakit sa mga atletang Pinoy at tulungan sila na makamit ang tagumpay para sa bayan.
“If the country is to create sports superstars and excel in international sporting competitions like the Olympics, Asian and SEA Games, it must re-dedicate itself to the proven concept of the private and public sectors joining hands to spur sports development from the grassroots to the national and international levels,” wika ni Romualdez.
Sa ilalim ng Project Gintong Alay na unang inilunsad taong 1979, bibigyan ng pagkakataon ang mga private corporations na mag-adopt ng atleta sa ibat-ibang larangan ng palakasan para buhusan ng suporta hanggang sa maging world class competitors ang mga ito.
Kung maibabalik ang programa, ang corporate sponsors na ang sasagot sa allowance, pagkain, nutritional needs, at gagastos sa mga international sporting events na dadaluhan ng bawat atleta na sakop ng programa.
Ilan sa mga tanyag na atleta na produkto ng Project Gintong Alay ay track and field superstars na sina Lydia de Vega na may bansag na Asia’s Sprint Queen, Elma Muros, ang two-time Olympian na si Isidro del Prado at ang champion swimmer na si Eric Buhain.
Dahil dito, iginiit ni Romualdez na malaki ang kapasidad ng bansa na mag-produce ng mga kampyeon sa ibat-ibang larangan kaya napapanahon nang ibalik ang naturang programa.
Sa huli, ipinaabot ng kongresista ang kaniyang pagbati sa mga atletang Pinoy na sasabak sa 2019 SEA Games kung saan host country ang Pilipinas kasabay ng pag-asa na maraming gold medals ang makakamit ng bansa.
“Good luck to all our athletes and coaches competing in the SEA Games. As long as we work hard, nothing can prevent the Team Philippines from becoming champion. Fight hard, play fair and win big,” pagbati ni Romualdez.