Bela Padilla and Kim Gun Woo
Ni Jonnalyn Cortez
TILA nauuso ang pagtatambal ng mga Pinoy at Korean stars mula TV series hanggang pelikula. Bukod kay James Reid at Momoland Nancy, magsasama rin si Bela Padilla at ang sikat na Koreanong si Kim Gun Woo sa isang pelikula.
Nagsimula na nga ang shooting ng “Ultimate Oppa,” ang pelikulang pagsasamahan nila.
Lumipad si Bela patungo sa Seoul, South Korea, upang kunan ang ibang mga shots sa Yongpyong Ski Resort sa Gangwon-Do. Matapos nito, babalik ang Kapamilya aktres sa bansa at si Woo naman ang tutungo dito upang kunan ang kanilang mga nalalabing scenes.
Kinumpirma ng Korean website na Soompi na gagampanan ni Bela ang role ni Yana, isang Pilipina na mahilig sa mga Korean stars. Manager naman ng isang Hallyu star si Woo.
Ang pelikula ay joint production venture ng Viva Films, Reality Entertainment, at ng Korean media outfit na Creative Leaders Group Eight para sa mga Filipino na mahilig sa Korean stars.
Para sa naturang pelikula, nag-aral si Woo ng English upang magampanan mabuti ang kanyang role. May kasama rin itong interpreter pagdating sa bansa upang maintindihan hindi lamang si Bela kundi pati ang mga ibang kasama nila sa set.
Sa isang post ng Viva Artist Agency sa Facebook, pinakita nito ang mga selfie ni Bela kasama si Woo habang kinukunan ang pelikula.
Isa ang “Ultimate Oppa” sa 34 na pelikula na nakatakdang ilabas ng Viva Films ngayong taon; kabilang si Bela sa apat dito. Ang tatlo pa ay ang “On Vodka, Beers, and Regrets,” “Spellbound,” at “The Wedding Breaker.”