Column ni Montemar
TATAGAL pa ang usaping ito sa COVID-19 at maaaring mas lumala pa ang lagay ng ilang lugar. Magandang maging handa pa tayo at kumilos nang naaayon sa pangangailangan upang makontrol ang paglaganap ng naturang sakit.
Narito ang isang mensahe mula sa Frontline, ER, Triage area, pampribado at pampublikong mga ospital, at mga klinika na natanggap ko sa aking social media account.
Napakasimple at napakalinaw ng mahalagang mensaheng ito kaya minarapat kong ibahagi dito sa aking kolum. Ito ang mensahe na isinalin ko sa Tagalog mula sa orihinal na Inggles:
“Hindi matatawaran ang halaga ng PANANATILI SA LOOB NG BAHAY. Mapipigil nito ang paglaganap ng virus. Palasak mang pakinggan, hindi lamang ito makakatulong sa iyo, sa iyong pamilya, sa iyong mga mahal sa buhay, kundi pati na rin sa libu-libong mga manggagawa na nasa hanay ng mga nangangalaga sa pangkalusugan ng madla. Inilalagay nila sa panganib ang kanilang buhay sa pagbigay lunas sa mga naapektuhan ng COVID-19 virus na dumadami ang bilang sa mga emergency room.
TINGNAN NA LAMANG NATIN ANG MGA PASYENTENG MAY COVID-19 VIRUS SA NGAYON. Sila ay mga ordinaryong tao lamang. Hindi sila mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan. Ikinakalat ang virus ng mga ORDINARYONG TAO gaya mo, lalo na ng mga taong ang tingin sa mga abiso ng gobyerno sa kalusugan ay TRIVIAL o kababawan lamang.
HINDI NATIN KAYANG BASTANG PIGILAN ANG PANDEMIKO NA ITO. Isa tayong papaunlad na bansa. Ang Italya ay isang bansang maunlad na at kabilang sa G7 (mga bansang may pinakaabanteng ekonomiya at sistema sa pangangalaga sa kalusugan), ngunit tila Armageddon [katapusan ng mundo] na ngayon doon.
Tulungan mo ang iyong sarili. Tulungan mo kaming mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan. DAHIL PAGDATING NG PANAHONG KAKATOK NA KA NA O ANG IYONG MGA MAHAL SA BUHAY SA PINTO NG AMING EMERGENCY ROOM, BAKA HINDI NA KAMI MAKATULONG SA IYO sapagkat wala kaming sapat na tauhan upang agad na maasikaso kayo dahil isa-isa na rin silang nalalagay sa quarantine.
MAKINIG NAMAN SANA KAYO. MANATILI SA INYONG MGA BAHAY!”
Sang-ayon ako sa pahayag na ito. Kailangan ang pagtalima nating lahat. Kailangan ang suporta ng mamamayan. Iyon lamang, tingin ko naitulak na nating palabas ang mga may kakayanang lumikas (marami mula sa panggitnang uri o middle class na mas nakaaalwan pa sa buhay) sa mga probinsya dahil sa community quarantine. Sa susunod na araw, inaasahan kong maririnig natin ang tungkol sa karagdagang pagkalat ng COVID-19 sa labas ng Maynila.
Sana mali ako.
Pero sana rin ay mausisa pang higit ang pamahalaan hinggil sa mga hakbang nito na hindi kinakailangan pang gamitin ang mga militar. Ang mga usapan kasi sa ngayon ay masyadong umiikot nang labis sa kung ano ang hindi maaaring gawin ng ordinaryong tao—dahil dito, talagang kakailanganin ng pulisya o militar sa lunsod.
Ngunit ano nga ba ang mga plano upang matulungan ang mga tao sa pinansiyal at pangkalusugang aspeto ng pang araw-araw na pamumuhay? Halimbawa, mayroon bang mga plano kung paano makakatulong sa pagpapakain sa mga komunidad kung tatagal pang labis ang usapin? Ano ang magagawa ng pamahalaan upang matulungan ang mga negosyong tinamaan ng pandemikong ito? Halimbawa, maaari bang suspindihin panandalian ng mga bangko ang kanilang mga paniningil gaya ng ginawa sa Italya?
Marami pang tanong sa “frontline.” Marami pang dapat linawin. Sa ngayon, tumalima tayo sa iniutos na community quarantine. MANATILI TAYO SA ATING MGA BAHAY!