SI Morissette Amon, ang Asia’s Phoenix na ngayon ay muling nagbabalik sa pamamagita ng kantang Diyan ba sa Langit.
STEPHANIE MACAYAN
MATAPOS ang kontrobersyal na isyu ng mag-amang Morisette Amon at Amay Amon, ang Asia’s Phoenix ay magbabalik handog ng bagong kanta na pinamagatang Diyan Ba sa Langit kasama si Jason Dy na champion sa The Voice Philippines Season 2.
Matapos ang viral performances ni Morissette sa iba’t-ibang bansa ng Asia Song Festival 2018, duet kasama ang Grammy-winning composer na si Allan Menken at kinanta ang A Whole New World at mga interview kasama ang Hollywood actor na si Will Smith, nasali pa siya sa isang bagong talent show kasama ang multi-awarded singer-songwriter na si Michael Bolton.
Ngunit sa kabila ng maraming magagandang pangyayari sa kaniya ay hindi pa rin maiiwasan ang mga kontrobersya. Kamakailan lamang ay naging mainit ang paglabas ng sama ng loob ng kaniyang ama laban kay Morisette gamit ang sarili nitong social media.
Sa kabila ng mga isyu ay hindi na mapipigilan ang muling pagbabalik niya upang magbigay ng panibagong awitin matapos na rin ang napakaraming aktibidad sa loob at labas ng bansa.
HINDI PAGKAKA-INTINDIHAN
Ayon sa ama ni Morissette na si Amay Amon ay hindi ito pabor sa relasyon ng singer kay Dave Lamar na isa ring singer na naging contestant sa The Voice Philippines. At ‘di umano ay pinagkalat din ni Amay na nagli-live in na ang mga ito.
“Question: What’s the Tagalog term for elope?,” ayon sa post ni Amay Amon, at sinundan niya ito ng sumunod na post na, “Google translated as lumayo,” aniya sa kaniyang twitter account.
“What if hindi lumayo? Live-in ba tawag dun?”
“Or what if like 2 nights lang? Sleepover? Vacation?” sabi ni Amay.
Sinasabi rin ng kaniyang ama na mas pinili ng singer ang kaniyang kasintahan kaysa sa sarili niyang pamilya.
Agad namang pinabulaanan ni Morissette ang akusasyon ng ama na ito ay nakikipag-live in na sa karelasyon. At ayon sa kaniyang management, nagta-trabaho nang maigi si Morisette upang makapag ipon para sa pagpapagawa ng bahay at upang matulungan ang kaniyang mga kapatid.
“Morissette is 23 and she’s old enough, and legally of age, to make her own decisions whether professional or personal,” dagdag pa ng kaniyang management.
PAGSUBOK SA CAREER
Bago makamit ni Morissette ang lahat ng tagumpay na tinatamasa niya ngayon ay dumating ang araw na siya ay natakot na hindi na muling makabalik sa pagkanta. Nalaman niya na may nodules sa kaniyang vocal cords dahil sa paulit-ulit na paggamit o maling paggamit ng boses.
“I learned I had nodules [in my vocal cords] when I abused my voice when I did my very first theater production… There was a fear for me and my family that I won’t be able to sing,” sabi niya.
Idinagdag niya na dahil daw na kaya niyang kantahin ang kahit anong kanta ito ang naging dahilan ng pagkakaroon ng nodules sa kaniyang vocal cords. Dahil dito ay natuto siya na alagaan ang kaniyang boses.
“I thought then that I was young, I was invincible, I can sing everything. But it was because of that I learned to take better care of my voice,” sabi niya sa panayam sa Gulf News.
COMEBACK SONG
Hindi matatapos ang isang career dahil lamang sa mga kontrobersya na dumaan. At ngayon, matapos ang mga pagsubok na dumaan kay Morissette, nagbabalik siya at nagbibigay ng panibagong awitin na mamahalin ng nakararami.
Diyan ba sa Langit ang pamagat ng kaniyang awitin kung saan ang kantang ito ay kasama sa 10th anniversary album ng songwriter na si Kiko Salazar na After Dark.
Kasama niya sa kantang ito si Jason Dy na kinilalang champion ng The Voice Philippines Season 2 at siya ay mula sa team ni Sarah Geronimo.
Ang Diyan ba sa Langit ay ini-release ng ABS-CBN Star Music noong Setyembre 20. Ngayon ay umaani na ng milyon-milyong views at talaga namang minamahal ng taong bayan. Ito ay mapapakinggan na rin sa Spotify.
Sinabi rin ni Morisette na ang orihinal na ka-duet niya sa kantang ito ay dapat si Daryl Ong na nanggaling din sa The Voice Philippines. Ngunit wala siyang binigay na detalye kung bakit hindi ito natuloy.
Ayon naman kay Jason Dy, wala namang problema kung naging second choice lamang siya para dito. Ang mahalaga sa kaniya ay naka trabaho niya ang Asia’s Phoenix at makakapaghandog ng isang magandang awitin para sa mga tagahanga.