Ni: Edmund C. Gallanosa
KINAGIGILIWAN ng marami sa ating mga kababayan ang pagkain ng isdang catfish o hito. Bakit nga naman hindi, aroma pa lamang lalo na kung ito ay iniihaw ay nakakatakam na. Kung ito naman ay piprituhin lamang kasabay ang sangkatutak na bawang ay mas lalo kang gaganahan kumain sapagkat tunay ngang napakabango nito.
Sa mga karinderia at restawran, ang isang inihaw na hito ay tumitimbang ng ¼ ang isa, ay umaabot sa P220 hanggang P350 ang halaga. Lalo na sa mga kilalang kainan.
Hindi nakakapagtakang umaabot sa ganung halaga ang inihaw na hito sapagkat tunay na malasa at masarap ang mga ito. Isa pang dahilan, alam ba ninyo na ang hito ay hindi naglalasang ‘burak’ o may amoy ang laman na ‘di tulad ng bangus o tilapia? Ika nga ni Benjie Nunez, retired Agri-Technician at ngayon ay negosyante ng mga alagaing isda at pond operator, hindi nagbabago ang lasa ng laman ng hito. ‘Yung sarap ng hito ay pare-pareho siya kahit anong quality ng water—kahit pa man maayos ang panahon mo siya i-harvest, mapa-backyard pond man galing o sa man-made pond siya na lupa at burak ang ilalim, parehas ang quality ng karne niya at hindi nagkaka-amoy. Hindi lasang putik.”
Matagal nang nagtuturo ng pagpapalaki at breeding ng hito si Ka Benjie. Para sa kanya, maganda ang negosyong magparami ng hito dahil hindi ito nawawala sa merkado. “Best-seller ang hito kahit itanong mo ‘yan sa mga inland fish pond owners. Ang karamihan sa kanila, may stock lagi ng tilapia. Pero sa hito, nagkakaubusan. May season pa ang breeding nito, kaya minsan problema ang pagkukuhanan ng hito fingerlings lalo na kung mataas ang demand.”
Si Ka Benjie ay ilan lamang sa may husay na magsagawa ng ‘artificial insemination’ sa mga alagang hito. Ani Benjie, kung matutunan lamang ito, marami ang makikinabang dito at maaari itong maging simula ng pagkakakitaan ng pera.
SISTEMA NG ARTIFICIAL INSEMINATION SA ALAGAING HITO
Sa negosyo ng pagpaparami ng hito, iminumungkahi na African catfish (Clarias gariepinus) ang gagamitin sa prosesong ito sapagkat angkop na sa biological capacity ng species na ito ang dumami sa ganitong pamamaraan. Higit sa lahat, malakas ang resistensya nito sa mga sakit at mabilis lumaki.
Madaling makilala ang lalaki sa babaeng African variety. Malapit sa labasan ng kaniyang dumi (anus) ay makikita ang isang animo’y laman na nakalawit, iyon ang genital papilla ng lalaki. Samantalang ang sa babae naman ay may dalawang opening lang ang makikita—ang anus at labasan ng kaniyang mga itlog. Kinakailangan na atleast 8 buwan ang edad ng mga brood stocks. Sa hugis ang lalaki ay parang lapis lamang na tinasahan samantalang ang babae naman ay mistulang nakalunok ng santol dahil namimintog ang tiyan.
Kakailanganin ang mga sumusunod na gamit: Weighing scale—kinakailangan kasing higit sa 60 grams ang timbang ng bawat isang breeder bago isalang. Thermometer, panukat ng temperatura ng tubig; pandikdik (mortar at pestle) calibrated jug o pitchel na may sukatan hanggang sa isang litro, hacksaw o lagaring bakal, dissecting kit, syringe o pang-injection, table salt, kutsilyo, maliit na palanggana, pinatining na tubig at tali na straw na gagamiting bilang substrate.
Isasakripisyo ang lalaking hito at kakatayin. Puputulin ang kaniyang ulo sa pamamagitan ng lagaring bakal. Isantabi ang katawan ng la-laking hito. Iingatang bukahin ang bungo ng lalaking hito at kukunin ang isang parte ng kaniyang utak—ang pituitary gland. Sa pagtanggal ng lower jaw nito, ibuka ang parte ng bungo na nagtatakip sa ngalangala at makikita ang isang puti at mala-perlas na parte ng utak nito—ito ang pituitary gland. Ilagay sa isang dikdikan at durugin. Haluan ng saline solution (isang litrong tubig na may 90 grams na iodized salt). Ang hormone solution na ito ay ituturok sa babaeng breeder.
Turukan ng 1cc ng inyong hormone solution ang isang babaeng breeder. Kung may kalakihan ang babae, maaari itong turukan hanggang 2cc. Maghihilab ang tiyan ng babae ng ilang oras bago gawin ang pagpapalabas ng itlog. Gamitin ang thermometer at tignan ang temperatura ng inyong tubig—kung ito ay 25 degrees centigrade, mag-antay ng 11 oras bago isalang sa induced spawning. Kung ang tubig ay nasa 28 deg. centigrade, maaari na itong isalang sa loob ng 8 oras.
Matapos ang takdang oras, mapapansing namimintog ang tiyan ng babae. Hagurin mula sa itaas na bahagi ng tiyan nito papunta sa lagusan ng itlog at makikitang lalabas ang sangkatutak na itlog, Para ganahan nang lubos ito ang isang scientific fact: ang isang kalahating kilong babaeng hito ay maaaring magkarga ng tinatayang 35,000 eggs!
Hagurin nang hagurin ang tiyan hanggang sa may lumabas na kaunting dugo—ibig sabihin nito ay ubos na ang deposito ng kaniyang itlog. Ibalik ang female catfish sa kanyang lalagyan at hayaan nang mag-relax.
Kunin naman sa katawan ng isinantabing lalaking hito ang testicles sac nito na naglalaman ng kaniyang sperm o milt na tinatawag. Hiwain ang ibabang bahagi ng katawan nito at makikita ang kambal at pahabang organ nito na animo’y maliit na human lungs. Ito ang kaniyang testicles sac.
Sa palanggana gupit-gupitin nang pinong-pino ang testicle sac at ihalo sa mga unfertilized eggs. Ituloy-tuloy lamang ang paghahalo upang hindi magdikit-dikit ang mga itlog. Kunin ang mga pira-pirasong tali ng straw at isawsaw sa hinahalong itlog at ito ay magsisidikit dito. Ilagay ito sa isang container o aquarium na may freshwater at may air pump.
Kung tama ang buong pro-seso ng fertilization, mabubuhay ang mga fertilized eggs sa loob ng 24 oras.
“Sa mga nais ng pagpaparami ng hito, malaki ang potensyal nito sapagkat nagkukulang ng supply sa mga naghahanap nito. Mula pa lamang sa nais magpalaki nito, from one to two inches, minsan pahirapan na ang paghahanap ng supplier. Hindi naman guarantee na ang mga nag-aalaga nito ay makakapagpalaki nang maayos—especially ang mga outdoor fishponds, at mercy sila lagi ng natural elements. So why not try breeding? At sumuporta sa mga fish farmers bilang supplier ng hito fingerlings. Simple lang naman ang sistema basta susundin lang nang tama, at magtitiyaga,” patapos na pahayag ni Ka Benjie.