Ni: Edmund Cunanan Gallanosa
NARINIG mo na ba ang Cleopatra’s Needle sa Pilipinas? Kung ikaw ay nakarating na sa isla ng Palawan, sa bayan ng Puerto Princesa, maaaring nasulyapan mo na ang kabundukang nakapaligid dito, sa lugar na ito matatagpuan ang Cleopatra’s Needle.
Ang Cleopatra’s Needle ay isang ‘mystical mountain’ ng Palawan; mahiwaga ang bundok na ito sa maraming bagay. Makapal ang puno dito at hindi gaanong nararating ng mga tao sapagkat matarik at hindi madaling akyatin ang lugar na ito. Sa tuktok, makikita ang mala-obelisk na rock formation kaya ito tinawag na ‘cleopatra’s needle.’ Mula sa itaas, kapag maganda ang panahon at maliwanag ang kalangitan, tanaw ang Honda Bay at Sulu Sea, pati na rin ang South China Sea at ang kabayanan ng Puerto Princesa. Nasa paanan ng Cleopatra’s Needle ang entrada sa sikat na ‘Underground River’ ng Puerto Princesa , na sikat sa buong mundo.
Sa pagiging misteryoso ng lugar na ito hindi maaalis na maikumpara siya sa Mount Roraima ng Venezuela. Mas kilala bilang Roraima Tepui o Cerro Roraima, ito ang isang mountain-plateau o flat sa ibabaw at nagsisilbing border ng tatlong bansa—Venezuela, Brazil at Guyana. Dahil sa taas nito, bihira itong tahakin rin ng mga tao at ikinukunsiderang ‘lost world’ ang Roraima at sa paniwala ng iba, maaari pa nga raw may mga ‘living dinosaur’ pa ang lugar at mga kakaibang hayop na hindi pa nadidiskubre.
Makailang beses na rin na kinilala ng international world ang Palawan, partikular din ang kabundukan ng Cleopatra’s Needle. Nasama pa nga ito sa listahan ng ‘Top Places to go to before you die,’ at ‘Top Mysterious Places in the World.’
Isa sa dahilan kung bakit ikinukunsidera na ‘mystical mountain’ ang lugar na ito ay sapagkat pinamumugaran ito ng maraming halaman at hayop na ang iba sa kanila ay hindi pa nasisilayan ng mga tao, o mga bagong ‘species’ na hindi pa nadidiskubre. Sa katunayan, sa mga hayop ng Palawan na ‘endemic’ o matatagpuan lamang sa Palawan at wala sa ibang lugar, 85% rito ay matatagpuan sa Cleopatra’s Needle. Talagang ‘big challenge’ ang pagtahak sa lugar at pagdiskubre sa 85% ito na maituturing na unique species ng bansa.
Sa dami ng ating mga kakaibang hayop at ibon sa ating bansa, 31 sa mga hayop nating ‘endangered and threatened’ ay matatagpuan sa Cleopatra’s Needle. Sa isang banda, maituturing na masuwerte ang kinalalagyan ng 31 hayop na ito sapagkat hindi sila naiistorbo sa kagubatang ito—ani ng mga eksperto, sobrang makapal ang kagubatan, at malawak pa ang lugar na ‘uncharted’ o hindi pa nagagawaan ng ruta o mapa upang matahak ang kaloob-looban nito.
Sa bilang naman na 279 bird species na matatagpuan sa Palawan, 27 naman ang matatagpuan lamang sa bansa at ilang dito ay nasa kagubatang ito, tulad ng Palawan hornbill, Palawan peacock pheasant, ang Palawan Scoops owl, at Palawan flycatcher.
Sa 60 ‘terrestrial mammal species’ naman na nasa Palawan, at ang ilan dito ay matatagpuan lamang sa kagubatan ng Cleopatra’s Needle. Ang sikat na Palawan bearcat o binturong, ang Palawan leopard cat, at ang Palawan flying squirrel ang ilan sa mga ito.
Pitcher plant
Kung papalarin kayo at magtatiyaga sa pag-akyat sa bundok ng Cleopatra’s Needle, ay maaari ninyong masulyapan ang maganda subalit pambihirang ‘pitcher plant’ tulad nito. Isa itong carnivorous plant na kumakain ng mga insekto at maliliit na hayop. May isang pambihirang specimen ng malaking pitcher plant na nadiskubre sa bundok na ito na kumakain ng mga hayop tulad ng daga at maliliit na unggoy.
Tatlong species ng Cycad palms, na makikita lamang sa Palawan, ay matatagpuan sa kagubatan ng Cleopatra’s Needle. At isang species ng pitcher plant, ang nadiskubre sa gitna ng kagubatan.
Maraming siyantipiko ang namangha at natuwa nang makadiskubre ng bagong ‘species’ ng pitcher plant sa kagubatang ito. Ang pitcher plant ay isang klase ng ‘carnivorous plant’ o kamangha-manghang halaman na kumakain ng insekto at hayop. Tama, isa itong pambihirang ‘predatory plant,’ unique sa buong mundo. Sa katunayan, sa Pilipinas din matatagpuan ang isang higanteng pitcher plant, na sa maniwala kayo sa hindi, ay kayang kumain ng isang maliit na unggoy.
Sa mga nais umakyat ng Cleopatra’s Needle, ito ay isang ‘very challenging hike’ na maaaring abutin ng 3-4 na araw. Tatahakin ang ilang tawid-ilog, may lugar na mabato at asahan ang makakapal na kagubatan—malamig at may mga lugar na halos ‘di masinagan ng araw. Ang kadalasang starting point ng trek ay ang Sitio Tagnaya sa Brgy. Concepcion. Sa ikalawang araw ay maaaring maabot ang paanan ng Cleopatra’s Needle. Sa ikatlong araw ay maaabot na ang summit nito. Ang ikaapat at ikalimang araw naman ay ilalaan pabalik sa kabayanan.
Huwag kaligtaang magdala ng mga basic camping at hiking gear, first aid kit, at insect repellant. Ang ibang hikers at mountaineers na sumusubok sa bundok na ito ay nagpapaturok ng anti-malaria upang makaiwas sa sakit na ito na dala ng lamok. Higit sa lahat, mag-enjoy sa inyong pag-akyat at gawing personal na misyon na madiskubre ang mga nakatagong endemic species dito, at gawin ang buong karanasan bilang isang personal na achievement sa inyong buhay.