Louie C. Montemar
HINDI ko na maalala kung umiyak ako sa unang araw ng aking pagpasok sa isang silid aralan upang pormal na mag-aral. Ang tiyak ko, sa kalakhan, naging masaya ako sa aking mga guro sa mga pampublikong paaralan—mula kay Bb. Asperas sa unang baytang hanggang kay Propesor Rivera na undergraduate thesis adviser ko sa kolehiyo.
Hindi ko kinamulatan ang maging takot sa mga guro o propesor. Kahit pa ang mga sinasabi ng iba na mga “terror,” hindi ko tunay na kinatakutan o iniwasan, subalit may nasaksihan ako noong nasa ikalawang baytang ako na medyo nagtanim ng kaunting pag-aalala sa aking dibdib.
Ang silid aralan noon sa kwarto ni Mrs. Pinera—ang aking Grade 2 teacher—ay nasa tabi lamang ng hardin ng paaralan. Kitang-kita tuloy ng aming section ang mga Grade 5 at 6 na mag-aaral na nagtatanim at nangangalaga sa hardin ng aming mahal na Mababang Paaralan ng Rafael Palma.
Isang araw, habang may pinasusulat sa amin sa loob ng classroom ni Gng. Pinera, may ilang mag-aaral sa hardin ang napagalitan ng kanilang lalaking guro sa paghahardin. May katandaan na ang lalaki subalit malaki at malakas na tao sa aming paningin. Hinubad ng lalaking ito ang kanyang sinturon at pinapila ang mga bata upang isa-isang hatawin nang malakas na sinturon.
Nagitla kaming mga nakasaksi. Tingin ko, nang araw na iyon, marami sa amin ang gaya kong parang ayaw nang tumuntong pa sa Grade 5 upang makatagpo ang halimaw na gurong nabanggit.
Minsan naman, napaghiwa-hiwalay at napaampon sa iba’t ibang silid-aralan ang aming mga ka-section nang hindi pumasok ang aming guro. Nalagay ako, kasama ng ilan pang lalaki, sa klase ng isang gurong masungit at mahigpit.
Hindi ko malilimutan ang gurong ito sapagkat marami siyang sablay na hirit sa klase. Ang ilan sa mga mismong ka-section ko ang napag-initan pa niya—nahuli raw niyang nagdadaldalan sa likod ng silid kaya pinatayo niya sa harap ng klase upang masermunan. Nakayukong tinanggap na lamang ng aking mga kaklase ang mga pangit na salitang ibinato sa kanila—matinding verbal abuse.
Napakabata ko pa noon, subalit ako ang parang hiyang-hiya sa mga kamag-aral kong pinatayo. Galit ang nabuo sa loob ko noon dahil sa labis na mapanakit na pagsasalita ng aming naging madrasta para sa isang araw.
Ayon sa ilang mga pag-aaral, halos isa sa bawat tatlong mag-aaral sa Pilipinas ang nakararanas ng tinatawag na “bullying.” Kabilang rito ang pang-aabusong pananalita o verbal abuse mula sa mag-aaral o maging sa mga guro at iba pang may edad sa mga paaralan.
Ang punto, tama bang i-bully na lamang din ang mga bully—silang mga siga at sanggano sa ating buhay? Maitutuwid ba ng isang bully ang isa pang bully? Maitatama ba ng isa pang mali ang isang pagkakamali? Ang pagsusumbong ba sa isang mas malaking siga ang kailangang gawin para matapatan pa ang naunang siga?
Sa ibang salita, tama bang iharap sa isang mas malaking siga at sanggano ang isang siga at sangganong guro? Kailangan bang i-Tulfo ang isang guro? At si Tulfo, pwede bang i-Tulfo?