Ni: Jun Samson
AMINADO si dating Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra na tiyak na maninibago siya sa pwesto bilang bagong Justice Secretary.
Dahil dito ay sinabi ni Guevarra na gusto niyang maging pamilyar muna siya sa ibat-ibang mga mandato ng Department of Justice bilang abugado at pati na rin sa organisasyon ng kagawaran. Nito lamang nagdaang linggo ay pormal nang nagsimula sa kanyang trabaho sa DoJ si Guevarra at sa kanyang unang araw ay agad niyang pinulong ang mga opisyal sa DoJ.
Sa pamamagitan nito ay malalaman din umano niya kung kakailanganin ba niyang magdagdag ng mga tao o magsibak.
Kinumpirma rin ni SoJ Guevarra na pinayagan umano siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na palitan o sibakin ang mga tao sa DoJ na sangkot sa mga maling gawain.
Nakupo yari na!!! Magtago o gumilid-gilid na iyung ilang Asec at Usec na halos dalawang taon na nagsiga-sigaan sa DoJ na akala yata ay sariling kumpanya nila ang opisinang pinapasukan nila?
Parking attendant din siya kung tawagin ng iba dahil pakialamero daw sa parking area? Dapat daw sa iyo ay kusang loob na lumabas sa bakuran ng DoJ at huwag mo nang hintayin na sibakin ka pa ni SoJ Guevarra o ni Pangulong Duterte!
Isama mo si Ms. Graceful Exit. Sa totoo lang ayon sa mga insiders ay wala naman daw siyang naitulong kay dating Justice Secretary Vitalliano Aguirre.
Sa halip ay naging kargo o pasanin pa nga daw siya? Balikan ko lang si Secretary Guevarra, sinabihan pala siya ng pangulo na hindi makikialam ang palasyo sa paraan niya ng pagpapatakbo sa DoJ.
Ibig sabihin ay malaya, may kamay at may sariling desisyon si Guevarra kaya hindi siya magiging flower vase o robot sa kanyang opisina.
Dahil dito’y tiyak na madidismaya ang mga kaanak o mga malalapit kay Pangulong Duterte na hihingi ng pabor sa kanya. Malinaw daw kasi ang bilin ng pangulo na huwag pagbigyan ang mga kamag-anak niya na hihingi ng pabor sa DoJ.
Ang magiging malaking problema agad dito ni SoJ Guevarra ay puro kontrobersyal at malalaking kaso ang agad na sumalubong sa kanya, tulad ng ibinasurang drug case laban kina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Peter Co, iyung isyu ng pagkakapasok sa provisional coverage ng Witness Protection Program ng tinaguriang PDAF scam queen na si Janet Lim-Napoles, ang malaking problema sa Bureau of Immigration, drug trade sa Bureau of Correction at iba pa.
Pero tama ang kasabihan na you can never put a good man down. Kaya kahit na marami ang problema, basta mahusay at matino ang pinuno ay siguradong ang opisina o departamento ay sa maganda rin patutungo. Aba, parang tula yata ah? Hahaha, good luck po Sir MIG!