SA kabila ng mga pagkabigo, tuloy pa rin ang laban ng Philippine Women’s National Football Team sa pagkamit ng inaasam-asam na FIFA World Cup spot.
Ni: Quincy Joel Cahilig
Pagdating sa sports, hinding-hindi magpapahuli ang atletang Pinoy na humuhugot ng galing at tibay mula sa pusong determinadong manalo.
Maliban sa boxing at basketball, nakikilala na rin ang mga pambato ng ating bansa sa larangan ng football. Kamakailan, ipinamalas ng Philippine Women’s National Football team na hindi lamang ang kanilang husay, kundi maging ang kanilang pagnanais na mailagay sa mapa ng football ang Pilipinas nang makapasok ang koponan sa ikalawang round ng 2020 women’s Olympic football qualifiers na ginanap sa Hisor Central Stadium sa Tajikistan kamakailan.
Ang Philippines Women’s National Team, na kilala din sa bansag na “Philippine Malditas” ay binubuo ng mga manlalaro mula sa Philippine Football Federation tournament at University Athletic Association of the Philippines na sina Inna Kristianne Palacios, (Green Archers United FC); Nicole Julliane Reyes Reyes (University of Santo Tomas); Ivy Lopez (University of Santo Tomas) ; Hannah Faith Pachejo (Far Eastern University); Hali Moriah Long (Green Archers United FC); Analou Amita (OutKast FC); Kathleen Camille Rodriguez (Hiraya FC); Alesa Dolino (OutKast FC); Irish Navaja (De La Salle University); Shelah Mae Cadag (University of Santo Tomas); Hazel Lustan (University of Santo Tomas); Sara Isobel Castañeda (De La Salle University); Patricia Tomanon (Florida International University);Mea Bernal (OutKast FC); Martie Cinelle Bautista (Ateneo de Manila University; Charisa Marie Lemoran (University of Santo Tomas); Kyla Jan Inquig (Green Archers United FC); Kimberly Parina (Far Eastern University); Patrice Impelido (Hiraya FC); at Alisha Clare Del Campo (De La Salle University). Ang kanilang headcoach ay si Marnelli Dimzon, kasama ang mga assistant coach na sina Gerald Orcullo at Melo Sabacan, at Team Trainer Prescila Rubio.
Kasama ng koponan sa mga nakapasok sa susunod na round ang Chinese-Taipei, Hong Kong, Jordan, at Iran. Bahagi ito ng kanilang laban para sa pagkakataong makalahok sa 2020 Summer Olympics na gaganapin sa Tokyo, Japan.
Ngayon pa lang ay pinaghahandaan na ng ating Pinay football heroines ang second round ng qualifiers na gaganapin sa Abril 2019.
SINORPRESA ng Philippine Women’s National Football Team ang host country na Jordan sa 2018 Asian Football Confederation Women’s Asian Cup.
CINDERELLA JOURNEY
Bagama’t hindi pa maituturing na isang lubos na tagumpay ang pagkakapasok ng Malditas sa second round ng Olympic qualifiers, masasabi naman na isa itong achievement para sa Philippine Football. At kung titignan ang journey ng koponan, nararapat lamang na hangaan ang ating mga manlalaro dahil sa pagpupursigi na makapagdala ng karangalan sa ating bansa, lalo na’t sa madalas na pagkakataon, ang women’s national team ng Pinas ay itinuturing na underdog sa mga tournament.
Nagsimula ang misyon ng Malditas na isakatuparan ang matagal nang pangarap na makalahok sa 2019 FIFA Women’s World Cup nang makasali sila sa 2018 Asian Football Confederation (AFC) Women’s Asian Cup sa Jordan.
Bahagi ng paghahanda ng koponan, isinailalim ang mga atleta sa Project Jordan. Sa ilalim ng programang ito, kinuha ng PFF ang US-based coach na si Richard Boon at nag-training sa US ang mga atleta sa loob ng tatlong buwan at sa Osaka, Japan ng isang linggo.
“It’s the most important tournament of all our careers,” sabi ni Fil-Canadian Jesse Shug, na kasama sa line-up ng koponang sumabak sa naturang tournament. “It’s our chance to make history not only for this team but for women’s soccer as a whole in the Philippines.”
Subali’t sa kabila ng mga paghahanda at magandang performance na ipinakita ng Malditas, na-eliminate ang mga pambato ng bansa sa AFC Women’s Asian Cup, nang sila ay talunin ng Thailand. Brokenhearted din ang national team sa Asian Football Federation Women’s Championship nitong Hulyo sa Indonesia, nang sila ay pinaluhod ng Vietnam sa semis race.
Gayon pa man, hindi pa rin sumusuko ang Malditas sa kanilang laban para matupad ang pangarap sa kabila ng mga kabiguan. Sa kanilang pagpasok sa second round ng 2020 Tokyo Olympics qualifiers, nananatiling buhay pa rin ang kanilang pag-asa na makapag-uwi ng malaking karangalan para sa bayan.
MVP SPORTS FOUNDATION KAAGAPAY NG MALDITAS
Samantala, malaki ang pasasalamat ng Philippine Football Federation sa suportang patuloy na natatanggap ng mga football players ng bansa mula sa MVP Sports Foundation (MVPSF)
Ang MVPSF ay isang privately-funded foundation na kabilang sa MVP Group of companies ng tycoon na si Manny V. Pangilinan. Layunin nito na bigyan ng suportang financial at technical ang mga sports programs ng bansa upang lalo pang pag-husayin ang mga atletang Pinoy.
Nagbigay pasasalamat si PFF General Secretary Atty. Edwin Gastanes ang Foundation sa malaking suporta ng MVPSF sa Philippine Malditas sa pagsali ng koponan sa mga tournament.
“We are thankful that the MVP Sports Foundation has decided to support the Philippines Women’s National Team. Women’s football in the country is growing and many, including football stakeholders appreciate this kind of support,” wika ni Gastanes.
Ipinahayag naman ni MVPSF President Al Panlilio na walang sawang tutulong ang kanilang organisasyon sa mga atletang Pinoy sa kanilang paghahanda sa susunod na Olympics.
“As a private entity on a mission driven by pure love and passion and with our battle cry ‘puso,’ MVPSF seeks to further provide support to our athletes, especially as the country prepares for the 2020 Tokyo Olympics,” aniya.