JHOMEL SANTOS
KINANSELA na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) board ang extension ng concession agreement sa Manila Water at Maynilad.
Kinumpirma ni MWSS Chairman Reynaldo Velasco na ni-revoke ng MWSS board noong nakaraang linggo ang resolusyon kaugnay sa pagpapalawig ng concession agreement nila sa dalawang water concessionaire mula 2022 hanggang 2037.
Sinabi rin ng MWSS na bumuo na sila ng technical working group para pag-aralang muli at irepaso ang pinasok na kasunduan sa tubig ng pamahalaan sa Manila Water at Maynilad.
Matatandaang nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na sasampahan ng economic sabotage ang dalawang water company dahil sa lantarang pagsasamantala sa mamamayan.
Masyado aniyang “one-sided” sa mga negosyante ang kasunduang pinasok ni dating Pangulong Fidel Ramos noong 1997.
Dahil dito, ipinag-utos ng pangulo ang drafting ng panibagong agreement na hindi makakasakit sa mga Pilipino.