Louie C. Montemar
MAIBA tayo. Imbis na isang partikular na usapin sa ngayon ang ating tutukan, paglimian natin ang isang ideyang matagal nang pinag-uusapan subalit sa tingin ko’y nanatiling makabuluhan sa ating panahon, lalo na sa pag-usad ng globalisasyon o papatinding pakikipag-ugnayan ng iba’t ibang mamamayan sa buong mundo.
Paglimian natin itong nasyonalismo.
Ano nga ba itong nasyonalismo o nationalism?
Kung isasalin sa ating wika, tingin ko ay mas tamang isalin o ipaliwanag ito bilang “pagiging makabayan.”
Bilang Filipino at nakapag-aral sa mga pampublikong paaralan mula elementarya hanggang kolehiyo at nanonood o nakikinig sa mga programang pang-midya sa ating bansa, masasabi kong maraming Filipino ang iniisip na ang pagiging makabayan ay tungkol sa paggalang at pagmamahal sa bayan.
Subalit kung palalalimin pa ang pagsusuri sa pagiging makabayan o nasyonalismo, ano nga ba talaga ito? Tungkol saan ba ito? Halimbawa, kung lalabas ba ang isang Filipino ng kanyang bansa, gaya ng maraming OFWs, hindi na ba siya makabayan? Kung tayo ba ay hindi mahilig sa adobo at damit na Filipino, hindi na ba tayo Makabayan?
Magandang pag-isipan ang sinulat ng isang banyaga sa paksang ito. Noong 1983, isang political scientist na nagngangalang Benedict Anderson ang nagmungkahi ng isang noo’y bagong kahulugan ng konseptong nation. Para kay Anderson, maaring unawain daw ang nation bilang isang imagined community — isang komunidad o pamayanang nasa isip lamang.
Anong ibig sabihin nito? Imagined? Kung gayon, kailanma’y hindi pala tunay at totoo ang pagiging makabayan? Ang katunayan, sa tingin ko, sa pagmungkahi ni Anderson ng nasabing pakahulugan, inilatag niya ang mas malinaw at matalas na batayan ng nasyonalismo.
Ang nasyonalismo ay tungkol sa “nation” o ang katipunan ng mga tao; sa ating salita —ang bayan. Ang nasyonalismo ay pagmamahal sa ating kapwa Filipino bilang isang kolektibo. Imagined ito sa ganang batay ito sa tunay na mga karanasan. Hindi ito isang partikular na karanasan subalit hindi lamang ito isang ilusyon. Ika nga, may pinaghuhugutan.
Bilang paglalarawan, may kakayahan tayo o identidad na Filipino dahil may kakaiba tayong wika o mga wika. Sa katunayan, may mahigit isandaang iba’t-ibang bayan sa ating bansa kung ang pagbabatayan ay wika sapagkat may higit sa isandaang wikang Filipino. Iyon lamang, sa pambansang antas ay may pinuproyekto ang pamahalaan bilang iisang pambansang wika—ang Filipino.
Dagdag pa, may iisang bayan tayo kung ang pagbabatayan ay ang ating kasaysayan bilang isang bayang sinakop ng ilang mga dayuhan sa loob ng daan-daang taon. Sa ngayon, ang ganitong kasaysayan ang nagbibigay kulay, kahit paano, sa ating pakikitungo sa ibang bansa. Malinaw din na apektado nito ang ating kultura hanggang ngayon bilang mga Asyanong may kagalingan sa wikang Inggles kumpara pa sa ibang tao sa parteng ito ng mundo.
Ngayong nasa isang mundo tayo kung saan napakabilis at napakatindi ng mga pagbabagong mauugat naman sa pag-unlad at paglaganap ng makabagong teknolohiya, tingin ko’y mahalagang paglimian pa rin ang pagiging makabayan.
Kung ang interes natin bilang isang bayan ay babalewalain o mamatay na lamang sa harap ng iba-iba at napakaraming nagsasalimbayang interes sa kasalukuyang panahon, pang-aabuso at pang-aapi sa marami sa atin ang magiging resulta nito. Tignan na lamang natin ngayon ang nangyayari sa ating mga kababayang magsasaka sa harap ng usapin sa rice tariffication.
Ang usapin sa bigas ay usapin ng isang bayang binubuhay ng bigas. Isang bayang ang kultura—ang pambansang kaluluwa, kumbaga—ay hinubog ng agrikultura.