Ni: Jannette Africano
Maaga pa lamang ay nagtipon-tipon na ang mga supporters ni Sen. Leila de Lima sa harap ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) para sa pagdinig nito sa kaugnay sa ikalawang kaso na may kaugnayan sa illegal drug trade sa National Bilibid Prison (NBP).
Pagdating ni de Lima mula Camp Crame, ay kumaway muna ito sa mga taga-suporta bago pumasok sa Muntinlupa RTC Branch 25.
Ngunit muling ipinagpaliban ng Muntinlupa Regional Trial Court ang arraignment sa kaso ni de Lima dahil naghain ng mosyon ang panig ng prosekusyon sa Department of Justice (DOJ) na ipagpaliban ang pagdinig.
Itinakda sa Setyembre a-kinse ang arraignment sa naturang kaso matapos maghain ng motion for deferment ang prosekusyon.
Binawi naman ng depensa ang motion to quash.
Paglabas nga ng trial court ay nagbigay ng komento si Sen. de Lima sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito kayang sugpuin ang iligal na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan at kahit pa matapos ang kanyang termino.
Ayon kay de Lima, matagal niya nang sinasabi na imposible ang pangakong ito ni Duterte mula pa noong kampanya.
Sa August 27 ay magdiriwang ang naka-detineng senador ng kanyang kaarawan at ang hiling niya ay makalaya na ito.