alimbawa ng mga pasaway na kalalakihan na lumabag sa ordinansa katulad ng pag-inom sa kalye at walang damit pang-itaas.
Ni: Vick Aquino Tanes
NANINDIGAN ang Philippine National Police (PNP) na walang masama sa pagpapatupad ng anti-tambay campaign.
Layunin lamang ng kampanya na masita ang mga pasaway na residenteng hindi marunong sumunod sa ipinatutupad na batas at upang maalarma na rin ang mga masasamang loob na gumawa pa ng labag sa batas.
Ito ay ibinase sa Republic Act No. 10158 na “An Act Decriminalizing Vagrancy, Amending For This Purpose Article 202 Of Act No. 3815, As Amended, Otherwise Known As The Revised Penal Code” na kung saan ay kailangang ipaalala sa mamamayan na may batas para sa mga taong tambay.
Sa kabila nito, nanindigan ang PNP na mahigpit na i-patutupad ang City ordinances against loiterers or sa mga sinasabing tambay base sa utos ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde, nilinaw nito na ang pagpapatupad ng kampanya kontra sa mga tambay ay ang pagsita sa mga pasaway na umiinom ng alak sa labas o sa kalsada, naglalakad ng nakahubad o walang damit pang-itaas, umiihi sa kalsada, ang paninigarilyo sa mga ipinagbabawal na lugar at mga gumagala sa dis oras ng gabi.
Kabilang lamang ito sa mga sinusunod ng PNP na kailangang maipatupad dahil pangit sila sa paningin ninuman.
“Ginagawa na natin ‘yon, may local ordinance na ‘yan. ‘Yung mga umiinom sa kalsada, yung mga nakahubad sa kalsada, kung gusto uminom ng ating mga kababayan doon sila sa loob ng kanilang mga tahanan, sa loob ng kanilang bakuran. Kailangan ipatupad yung mga iba’t ibang city ordinances, lahat naman ng city, lalong lalo na sa Metro Manila, lahat ‘yan ay may ordinansa patungkol diyan sa mga nakaistambay sa mga kalsada, paliwanag ng hepe ng PNP.
Nilinaw pa nito na ipinag-utos ng Pangulong Duterte ang paghuli sa mga tambay na kung saan ay mapapagkamalan silang “potential trouble for the public” o mga kinatatakutang tao.
NCRPO: Sitahin at hindi arestuhin ang mga tambay
Muling tiniyak ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na paninita lamang ang gagawin ng mga kapulisan at hindi ang manghuli ng mga tambay na wala namang nilalabag na ordinansa.
Ayon kay NCRPO chief PC/Supt. Guillermo Eleazar, walang pag aresto na gagawin sa mga tambay matapos na maglabas ng direktiba sa lahat ng district directors na hindi aarestuhin ang mga tambay na wala namang nilalabag na city o municipal ordinances.
Nabatid na mayroong guidelines nang inilabas ng PNP ukol sa pag-aresto sa mga tambay kabilang na dito ang paglalakad sa kalye na half naked, pag-inom sa mga public places, pag-ihi sa mga pampublikong lugar at paninigarilyo sa kalsada. Ilan lamang ito sa mga dapat na sundin ng pulis na arestuhin ang mga lumalabag dito.
Ito ay kaugnay sa napabalitang isang lalaki ang dinampot ng pulis habang nasa labas lamang ng kanilang bahay at wala lamang suot na damit ay hinuli na. Isa ito sa maling pag-aresto na kinukundena ng kapulisan.
Kaugnay sa mga tambay, bibigyan ng ticket ang mga mahuhuling pasaway na residenteng lumabag sa local ordinances.
Hindi rin aarestuhin ang mga menor-de-edad na luma-labag sa curfew kapag kasama nito ang kaniyang magulang, o kapag may emergency.
“Hindi kami basta nang-dadampot nang wala namang vina-violate na ordinances. Ang mga serious crimes na nangyayari, ang pinagsisimulan niyan ay mga petty crimes na kapag hindi natin sinawata, talagang ‘yan ay pupunta sa mga serious crimes. Ang approach ng ating kapulisan ay habang maliit pa, itong problema ay i-appoach na natin para hindi masanay at hindi maging ma-laking problema,” paliwanag ni Eleazar.
Kailangang maipatupad ang paghuhuli upang mabawasan ang mga pasaway na residente na hindi marunong sumunod sa ordinansa ng kanilang siyudad.
“Pero kung may mga obvious violation ng mga ordinances like nag-iinom sa kalsada, naka-half naked, nagsisigarilyo, nag-uurinate o pakalat-kalat doon, ito yung basis natin bakit sila inaaresto, pati na rin yung mga minors na nasa labas pa during disciplinary hours or curfew,” dagdag pa ng NCRPO chief.
Huli sa kampanyang anti-tambay
Sa linggo ng pagpapatupad ng anti-tambay campaign sa Metro Manila, tinatayang nasa 8,000 indibidwal ang nahuli ng pulisya laban sa mga “tambay” na lumabag sa iba’t ibang ordinansa ng mga lokal na pamahalaan.
Nais ng kapulisan na mabawasan o tuluyang mabago ang pamamalakad ng mga mamamayan ukol sa maayos na pamumuhay kaya naman ipinatutupad ang kampanya kontra sa mga tambay o loitering.
Ayon sa Free Legal Assistance Group, narito ang mga dapat tandaan kung nahaharap sa pag-aresto ang indibidwal.
- Maging kalmado. Huwag hayaang pangunahan ng iyong imahinasyon ang maaaring sunod na mangyari matapos mahuli.
- Sabihan ang kaanak, kaibigan, o maging ang isang nasa lugar habang ikaw ay inaaresto na maging saksi sa paghuli sa iyo. Maaari ring tumawag sa mga kaanak, kaibigan, at abogado para sila’y makinig sa paraan ng pag-aresto sa iyo.
- Itanong sa tao o mga taong umaaresto sa iyo ang kanilang pangalan, mga posisyon, at kung saang tanggapan o ahensiya sila galing o kasapi.
- Humingi ng kopya ng dokumentong nagbibi-gay awtoridad para sila’y manghuli. Suriin nang maigi ang papeles dahil dapat ay tama ang pangalang nakasaad sa warrant of arrest at dapat ay nakalagay rin ang klase ng paglabag na iyong ikinaaaresto.
- Huwag maging brusko sa pagtanggi sa pag-aresto.Sabihing kinokontra mo ang panghuhuli at di mo wine-waive o isinasantabi ang iyong mga karapatan pero sasama ka sa kanila sa mapayapang paraang upang maiwasan ang karahasan.
- Tanungin ang arresting officer o ang nangunguna sa iyong pag-aresto kung saan ka dadalhin. Hilingin din na ikaw ay samahan ng kaanak, kaibigan, o sinumang nakasaksi sa iyong pag-aresto.
- Hilinging makatawag ka sa iyong abogado. Kung ito’y hindi pagbibigyan, hilingin sa kaanak o sinumang nakasaksi sa iyong pag-aresto na tumawag sa iyong abogado. Ipaalam sa abogado ang pagkakakilanlan ng mga umaresto sa iyo, dahilan ng pag-aresto sa iyo, at kung saan ka dadalhin.
- Tandaan ang lahat ng magiging paglabag sa iyong karapatan, at kung mayroon man, ireklamo ito matapos maaresto, sa pagkakataong ihaharap na sa hukom o piskal.
- Kung ang mga aaresto ay nakadamit pangsibiliyan at tumangging ibigay ang kanilang pangalan o maglabas ng warrant of arrest, tanggihan din ang pagsama sa kanila. Sa ilalim ng batas, ang mga aaresto ay dapat naka-uniporme, maayos ang pakikitungo, at irerespeto ang iyong karapatan at dignidad.
- Kung sasabihin sa iyo na hindi ka inaaresto, sa halip ay iniimbitahan lamang para sa interogasyon, sabihing sasangguni ka muna sa iyong abogado. Ang iyong abogado dapat ang makipag-usap sa mga awtoridad para mag-ayos ng petsa, oras, at lugar para sa iyong interogasyon.
Kung hindi ka papayagang sumangguni sa abogado, huwag sumama sa mga nagpakilalang awtoridad. Kung sila’y magpilit, maituturing nang pag-aresto ang kanilang ginagawa at mainam na balikan ang mga naunang nabanggit na abiso ukol sa dapat gawin kung inaaresto.
Anti-tambay drive, malayang kuwestiyunin
Malayang kuwestiyunin ng mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang legalidad ng anti-tambay campaign ng administrasyon.
Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi umano nila ginagawang kriminal ang mga tambay sa pamamagitan ng kanilang umiiral ngayon na kampanya.
Welcome rin umano para kay Duterte ang planong Congressional investigation kaugnay sa anti-tambay drive dahil ang naturang kautusan naman umano ay layon lang na ipatupad ang mga umiiral na batas at ordinansa sa bansa o sa mga barangay.
Matatandaan na ipinag-utos ng punong ehekutibo sa mga otoridad na maging higpit laban sa tambay dahil sila ang kadalasang gumagawa ng away sa publiko.
Senado, iimbestigahan ang anti-tambay campaign ng PNP
Halos karamihan sa mga senador ay sang-ayon sa pagpapatupad ng anti-tambay campaign o ang mga palaboy sa lansangan.
Mainam umano ang pagpapatupad ng anti tambay campaign upang makitang safe at maayos ang isang lugar.
Ngunit sa kabila nito, nais ng ilang senador na balangkasin pa o ipaliwanag pa ang mga tamang gagawin sa nasabing kampanya.
Pakay din ng ilang senador na tukuyin ang paglabag sa karapatang pantao at karapatan sa due process ng mga tambay na dinarakip nang walang warrant of arrest, na katulad umano noong panahon ng martial law.
LGU’s susunod sa batas
Patuloy ang ordinansang ipatutupad ng lahat ng Local Government Unit (LGU) kaugnay sa loitering campaign na kung saan ay kailangang balaan o arestuhin ang mga pasaway na residenteng hindi sumusunod sa alituntunin ng batas.
Kabilang sa mga ordinansa ay ang pagsita sa mga pasaway na umiihi sa kalye, partikular na ang mga kalalakihan, pag-inom ng alak sa labas o sa kalsada, mga lalaking naglalakad ng nakahubad o walang damit pang-itaas, paninigarilyo sa mga ipinagbabawal na lugar at mga gumagala sa dis oras ng gabi, lalo na ang mga kabataan na walang kasamang matanda o mga matatanda na gumagala pa sa gabi.
Katuwang ang Philippine National Police (PNP), nakikiisa ang lahat ng LGU sa pagpapatupad ng anti-tambay campaign na layuning mabago ang maling gawain at makatulong sa pag-unlad ng bansa.