DISCOUNT sa pagkain, gamot, pagpapaospital at iba pang benipisyo ang ipinanawagan ni dating kongresista Atty. Emil Ong para sa mga Senior Citizen ng bansa.
Margot Gonzales
KAMAKAILAN lamang nang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Repulic Act No. 11350 na nagtatag ng sariling komisyon para sa mga seniors na tatawaging National Commission of Senior Citizens.
At ngayon ay gumugulong na ang 180 period sa pagbalangkas sa Implementing Rules and Regulations o IRR para sa bagong batas.
Para sa dating kongresista na si Atty. Emil Ong, mainam na maisama sa IRR ang pagkakaroon ng monthly allowance sa mga seniors na ipinapatupad sa ibang bansa.
Nananawagan din ito na lagyan nang mahigpit na panuntunan sa pagbibigay ng mga discount at mga pribelehiyong dapat matamasa ng mga nakakatanda.
Tulad na lamang ng discount sa pagkain, gamot, pagpapaospital at iba pang benipisyo na aniya’y hindi naipagkakait kung minsan sa mga seniors.
Iminungkahi din nito ang paglalagay ng mas malaking pondo sa bagong komisyon para matugunan ang pangangailangan ng milyon-milyong senior citizens lalo na sa pagpapatayo ng mas maraming residential care facilities.
Samantala, ang Department of Social Welfare and Development ay naghahanda para sa pagsasalin ng kapangyarihan sa bagong komisyon.
Kabilang sa mga responsilibad na ililipat sa komisyon ay ang paghawak sa buwanang social pension program ng mga seniors, Centenarians Act, implimentasyon ng expanded Senior Citizen’s Act at ang pagtatayo ng karagdagang residential care facilities.