NI: MELODY NUÑEZ
HINDI madali ang magiging pagbangong muli ng Marawi sa panahong matapos na ang kaguluhan doon, ayon sa lokal na pamahalaan ng naturang lunsod.
“Mas mahirap pagkatapos nito kung paano iha-handle ‘yung pag-recover ng mga kababayan natin. Hindi naman agad-agad puwedeng ibalik ang mga kababayan natin dito sa Marawi City,” ayon kay Lanao del Sur Vice Gobernador Mamintal Bombit Adiong, Jr.
“Siyempre, kailangan muna ng usapan diyan bago mapalipat dahil wala namang babalikan (ang iba) na bahay riyan,” dagdag pa niya.
Ilang araw pa lamang ang bakbakan ng mga naturang grupo ay makikita na sa mga kumalat na larawan ang malawakang pagkasira ng Lunsod ng Marawi, kabilang na ang mga gusali ng mga negosyo, paaralan, simbahan at ari-arian ng mga residenteng Maranaw.
Samantala, ayon kay Provincial Crisis Management Committee Chairman Zia Alonto Adiong, naitala ang pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing produkto sa lokal na pamahalaan ng Lanao del Sur. Kabilang sa mga produktong tumaas ang presyo ay ang bigas na mula sa P2,000 bawat sako, naging P5,000 hanggang P6,000 bawat sako.
Isa umanong dahilan ay ang pagtaas ng presyo ng kalakal sa Iligan at ang mahigpit na checkpoint, ayon sa mga nagtitinda na nagtaas ng kanilang mga presyo.
Emergency loans para sa mga magsasaka at mangingisda ng Marawi
Dahilan din ang ang malawakang pagkasira ng kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at mangingisda na umaasa sa pangingisda sa Lake Lanao at mga karatig nito bilang pangunahing pagkukunan ng kabuhayan ng bakbakan ng naturang dalawang grupo.
Ngunit sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel Piñol na may contingency plans ang ahensiya nito upang mabilis na maibangong muli ang komunidad ng Lunsod ng Marawi at kalapit na mga bayan nito.
Ayon kay Piñol, palalawigin ng DA ang emergency loans nito at tulong para sa mga magsasaka at mangingisda na nawalan ng hanapbuhay dahil sa labanan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng teroristang grupo ng Maute.
“Each farming and fisher folk family will be entitled to a survival loan of at least P5,000 and when things get back to normal, they could apply for a loan under the recovery program amounting to at least P20,000,” pahayag ni Piñol.
“In view of the difficulty in locating the farms of the farmers and the fisher folks, the DAF will relay mainly on the listing of DBM for the extension of the loans,” dagdag ni Piñol.
Mga mag-aaral ng Lunsod ng Marawi tinanggap sa ibang paaralan ng mga karatig-lugar
Sa kabila ng mahigpit na seguridad at Martial Law sa Mindanao ay nagpatuloy ang pagbubukas ng mga paaralan para sa taong 2017 bagama’t suspindido nang dalawang linggo ang pasukan sa mga paaralan sa Lunsod ng Marawi at sa iba pang walong barangay sa Lanao del Sur, Lanao del Norte at Iligan.
“The safety of our learners is important,” ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones.
Nagsagawa ng imbentaryo kung ilang mga dagdag na mag-aaral sa mga lugar, kung saan ay lumikas ang mga ito mula sa naturang lunsod kabilang na ang Lunsod ng Iligan at Lunsod ng Cagayan de Oro.
“We are counting and inventorying the number of children in evacuation centers. Nagre-ready na kami ng learning spaces, school rooms, learning materials and teachers,” ayon pa kay Briones.
Aniya, isaisantabi muna ang mga kinakailangan para sa pagpapatala sa mga mag-aaral na lumikas mula sa Lunsod ng Marawi.
“We are going to waive cards, ‘pag may batang mag-e-enroll, tatanggapin. In time of war, we don’t require the bureaucratic requirements,” ayon pa kay Briones.
Kabilang sa mga rehiyong tumanggap sa mga lumikas na mga mag-aaral ang mga pampublikong paaralan sa Rehiyon 7, Rehiyon 12, mga paaralan sa Cagayan de Oro at Iligan.
Samantala, tinanggap naman ng MSU-Iligan Institute of Technology ang mga mag-aaral mula sa MSU-Marawi.
Calamity fund para sa rehabilitasyon ng Marawi
Sinabi ng isang senador na may bilyun-bilyong pisong pondo ang hindi pa nailalabas na calamity fund at nakahanda para sa pagbibigay ng tulong para sa mga sibilyang nawalan ng matitirhan at para rin sa rehabilitasyon sa mga lugar at mga gusaling nasira sa bakbakan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at ng teroristang grupo ng Maute.
Nagsilbi bilang isang ‘standby emergency fund’ ang Quick Response Fund (QRF) na maaaring magamit kaagad sa natural at gawa ng taong mga kalamidad, ayon ito kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto.
Aniya, ang P6 bilyong QRF ay nakahiwalay mula sa National Disaster and Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF), opisyal na pangalan ng calamity fund, na may badyet na P15, 755 bilyon ngayong taon.
Ang naturang halaga ay naidagdag sa hindi nagugol at hindi nailabas na bahagi ng P38.895 bilyong pondo sa nakaraang taon para sa NDRRMF.
Ayon kay Recto, kailangang mailabas ang naturang pondo upang maibsan ang pinsalang idinulot ng kaguluhan sa mga kapuspalad na mga sibilyan.
Dapat aniyang may nakaplano na o nakahandang mga aktibidad upang kapag humupa na ang kaguluhan ay handa nang mailunsad muli ang naturang lunsod.
Hindi dapat na hadlang ang red tape at makakapal na dokumento sa daloy ng tulong ayon sa babala ni Recto.
“We must turbocharge the release of aid money,” ayon kay Recto.
“Hindi puwede na ang Marawi ay ini-hostage na nga ni Hapilon, maho-hostage pa ulit ng red tape,” pagtatapos ni Recto.