Ni: Quincy Joel V. Cahilig
ISANG matinding hamon para sa isang developing country tulad ng Pilipinas ang pagsugpo sa kahirapan sa bansa. Batid ito ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya naman kabilang sa 10-point Socioeconomic Agenda ng Pamahalaang Duterte ang iangat ang kabuhayan ng mga mahihirap.
Noong 2015, naitala sa 21.6 percent ang poverty rate sa Pilipinas, at nais itong pababain ng Pangulong Duterte sa 13-15 percent pagsapit ng taong 2022.
Kasama sa mga repormang isinusulong sa ilalim ng naturang agenda na tinagurinang “Dutertenomics” ang pagbibigay prioridad sa pagtatayo ng mga imprastraktura sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang masiguro ang maayos na takbo ng kalakalan. Ito ay ang “Build, Build, Build” program na sesentro sa pagtatayo ng mga modern transport systems, mga kalsada, tulay, paliparan, pantalan, flood control, communication and information technology sa loob ng anim na taon, na nagkakahalaga ng P8.44 trillion.
Nasa 75 flagship infrastructure projects ang ipatutupad sa ilalim ng Administrasyong Duterte, sa pangunguna ng mga sangay ng gobyerno tulad ng Department of Agriculture, Department of Energy, Department of Public Works and Highways, Department of Transportation, Autonomous Region in Muslim Mindanao; Bases Conversion and Development Authority; Metropolitan Waterworks and Sewerage System at ng National Irrigation Administration.
Dagdag pa dito, tinataya rin na makalilikha ang mga naturang programa ng libo-libong trabaho para sa mga Pilipino. Ayon sa International Labor Organization, 200,000 direct jobs ang nalilikha ng gobyerno sakada US $1 Billion na ginagastos nito para sa imprastraktura. Kaya naman napakalaki ng maitutulong ng “Build, Build, Build” sa pagpapapaunlad ng kabuhayan ng mga ‘Pinoy.
WALA NANG ATRASAN
Sa unang bahagi pa lang ng pamumuno ng Pangulong Duterte ay ikinasa na kaagad ang “Build, Build, Build”, at sa kasalukuyan ay malaking porsyento na ng mga proyekto ang naaprubahan at sinisimulan na ang construction.
Nitong Setyembre, inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang apat na flagship projects na nagkakahalaga ng P386.248 billion. Ito ay karagdagan sa 35 major projects na naunang naaprubahan ng NEDA, na nagkakahalaga ng P1.2 trillion.
“The approval and eventual completion of these projects will pave the way for us to achieve our mid-term and long-term goals as a country and a nation,” ayon kay NEDA Director-General Ernesto M. Pernia.
Kabilang sa mga pinakabagong inaprubahang proyekto ay ang P355.588-billion first phase ng Metro Manila Subway project na tatakbo mula sa Mindanao Avenue sa Quezon City patungo sa Food Terminal, Inc.(FTI) Complex sa Lungsod ng Taguig, at tutuloy hanggang sa Ninoy Aquino International Airport sa Lungsod ng Parañaque.
Ang naturang underground railway system, na sisimulan ang pagtatayo sa susunod na taon, ay popondohan sa pamamagitan ng Official Development Assistance (ODA) mula sa bansang Japan. Kung matatapos ang nasabing proyekto, inaasahang malaki ang maitutulong nito upang maresolba ang problema ng mabigat na trapiko sa Kalakhang Maynila, na nagdudulot ng aabot sa P 2.4-billion na pagkalugi sa ekonomiya ng bansa ayon sa mga eksperto.
Ang iba pang proyektong naaprubahan ng NEDA kamakailan ay ang mga sumusunod:
- Ang 19-billion Improving Growth Corridors in Mindanao Road Sector Project kung saan pagagandahin ang pitong mga pangunahing kalsada at ang pagtatayo ng tatlong tulay sa Tawi-tawi. Magsisimula ang naturang proyekto, na popondohan sa pamamagitan ng loan mula sa Asian Development Bank, bago magtapos ang taong 2017 at inaasahang matatapos sa fourth quarter ng taong 2020;
- Ang Binondo-Intramuros at Estrella Pantaleon Bridges Construction Project na nagkakahalaga ng P 5.97 billion. Ito ay popondohan ng grants mula China at pasisimulan ngayong taon;
- Lower Agno River Irrigation System Improvement Project na nagkakahalaga ng 5 billion, na popondohan ng gobyerno. Inaasahan na mabibigyan nito ng patubig ang nasa 12,650 na ektarya ng bukirin at matutulugan ang nasa 10,372 na magsasaka sa mga lalawigan ng Nueva Ecija, Pangasinan and Tarlac. Pasisimulan ang implementasyon sa Enero ng susunod na taon hanggang Disyembre 2021;
- At ang Infrastructure Preparation and Innovation Facility of the Department of Finance na dinsesnyo para sa mabilis na implementasyon ng mga proyekto ng DPWH at DOTr. (Para sa kumpletong listahan ng mga proyekto sa ilalim ng “Build, Build, Build”, tumungo sa website nabuild.gov.ph)
SAKRIPISYO PARA SA PROGRESO
Tiniyak ni Budget Secretary Benjamin Diokno na sisikapin ng Duterte Administration na matapos ang mga infrastructure projects na inilatag nito sa takdang oras, kaya naman magpapatupad ng 24/7 o non-stop na construction schedule ang gobyerno sa pagtatayo ng mga panibagong imprastraktura.
Ngunit nagbigay babala ang naturang opisyal na makakaranas ng ilang paghihirap o inconveniences ang mga Pinoy sa ngayon. ‘Aniya, maaring makaranas ng mas mabigat na daloy ng trapiko sa mga lansangan habang itinatatayo ang mga bagong imprastraktura sa mga susunod na mga buwan.
“Our plan is to complete the flagship projects before the end of the term of the Duterte administration… The Golden Age of Infrastructure will not happen overnight but we assure that we are fully invested in this ambitious goal”, sabi ni Diokno sa isang pagpupulong kasama ang business sector.