Ni: Louie C. Montemar
NAKALULUGOD mapansin sa mga balita nitong huling linggo ang pagsisiguro ng Konggreso na may pondo para sa mga protected areas ng bansa. Ang ibig sabihin, may mga lider pa naman tayong nakikita pa ang tunay na halaga ng ating likas na kalikasan at ang yamang-buhay nito o ang tinatawag sa inggles na “biodiversity”.
Mayroon tayong Batas Republika 7586 na kilala bilang National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992. Kailan lamang, pinalawig pa ang bilang ng mga lugar na kabilang dito—ang mga “protected areas”.
Tinutukoy ng naturang Batas ang mga protektadong lugar. Ang mga lugar na ito—lupa o tubig—ay minarapat na pangalagaan dahil sa kanilang natatanging pisikal at bayolohikal na kahalagahan. Inaalagaan dapat ang mga ito laban sa mapanirang paggalugad ng tao.
Ang pagtatatag at pangangasiwa ng mga protektadong lugar ay bahagi ng mga internasyunal na kasunduang sinang-ayunan ng Pamahalaan ng Pilipinas tulad ng Convention on Biological Diversity, Ramsar Convention, World Heritage Convention, Convention on Migratory Species, at ang ASEAN Agreement on Conservation of Nature and Natural Resources.
Nasa dalawang dekada na ang pagpapatupad ng NIPAS Act mula nang simulan itong ilatag bilang ligal na balangkas sa pamamagitan ng DENR Administrative Order No. 25, Series of 1992, subalit tama lamang na pagtibayin pa ito at palawakin ang sakop nitong lugar.
Halimbawa na lamang, sakop nito ang mga iprinoklamang pambansang parke o liwasan, kanlungan at mga santuwaryo ng wildlife, mga reserbasyon ng kalikasan, mga lugar ng kagubatan, mga réservoir ng mangrove, mga reserbasyon ng watershed, mga santuwaryo ng isda, at mga protektadong landscapes at seascapes. Sakop nito sa kabuuan ang halos tatlong-milyong ektarya.
Sa kabila ng lahat, napansin ng isang kinatawan sa ating Kongreso (Rep. Josephine Sato ng Occ. Mindoro) na kahit matatagpuan sa ating bansa ang mga 80 porsiyento ng mga porma ng buhay sa buong mundo at pinaniniwalaang mas mayaman kumpara sa ibang bansa ang pagkakaiba-iba ng buhay sa Pilipinas ayon sa bawat ektaryang sukat, patuloy ang mabilis na pagbaba ng biodiversity sa ating arkipelago.
Alam dapat natin na isang tila kadena ang mga yamang-buhay sa mundo. Kailangang protektahan ang mga lugar na natukoy sa NIPAS Act dahil ang mga buhay ng halaman, hayop, kabilang ang tao, ay magkakaugnay. Hindi tayo mabubuhay bilang mga tao kung mauubos ang iba pang porma ng buhay sa ating maliit na planeta.
Bahagi lamang tayo ng mundo.