Pinas News
NAKAKAALARMA na nga-yon ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa bansa kung ikumpara sa nakaraang taon.
Nakaraang Hunyo lamang ay may anim na kataong nasawi sa loob lamang ng isang linggo at sa loob ng linggo na iyon ay mahigit limampu ang nai-admit sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI).
Ngayong panahon ng tag-ulan ay uso ang nakamamatay na sakit na leptospirosis. Nakukuha ito mula sa ihi ng daga. Kaya naman nagbabala ang mga health authorities na iwasang maglunoy sa baha dahil maaaring pinamugaran ng ihi ng mga daga ang lugar.
Kapag may sugat o galis ang isang tao sa paa o sa binti posibleng pumasok doon ang mikrobyong leptospira na magdadala ng sakit na leptospirosis.
Kapag nararamdaman na may lagnat, sakit sa katawan, sakit sa laman, nahihirapang umihi, naninilaw ang balat at namumula ang mga mata ay kaagad na magpasuri upang madulutan kaagad ng lunas dahil ang mga ito ay mga sintomas ng pagkakaroon ng naturang sakit.
Kailangan maging alerto kapag naramdaman ang mga sintomas na nabanggit dahil nakamamatay ito kapag hindi naagapan dahil maaaring atakehin nito ang atay, baga at bato ng tao.
Tinatayang umabot na sa mahigit isang libo ang kaso ng leptospirosis sa buong bansa na naireport sa Department of Health (DOH) mula Enero hanggang Hunyo na tumaas ng 41 porsiyento sa parehong panahon ng nakaraang taon.
Umabot naman sa bilang na 93 ang nasawi sa sakit na ito ngayong taon.
Upang maging ligtas mula sa leptospirosis ay gumamit ng botas kung hindi talaga maiwasan na maglunoy sa tubig baha.
Binalaan din ang publiko laban sa self-medication sa naturang sakit upang maiwasan ang komplikasyon mula sa rodent-borne disease na ito.
Kailangan na magpakonsulta sa doktor upang mabigyan ng tamang preskripsyon ng gamot.
Ang mahalagang solusyon nito ay pagiging malinis sa ating kapaligiran upang maiwasan ang pagdami ng mga daga na siyang nagdudulot ng nakamamatay na sakit na ito. Kapag malinis ang ating kapaligiran at maayos ang pangangasiwa natin ng ating basurahan ay walang daga na mabubuhay sa ganitong lugar. Kaya umpisahan nating disiplinahin ang ating sarili sa kalinisan!