Ni: Louie Montemar
ISANG mabigat na paratang at nakababahalang utos ang binato ng Pangulo kamakailan lamang laban sa Communist Party of the Philippines (CPP) at mga ligal na grupong makakaliwa. Sa isa niyang talumpati sa harap ng ating mga sundalo, sinabihan niya ang mga ito na “destroy them” at huwag mag-alala hinggil sa pagyurak sa human rights o human rights violations at siya raw mismo ang mananagot sa mga ito.
Kaugnay ng nasabing utos, naglabas ang Malakanyang ng Executive Order No. 70 (EO 70) na bumubuo ng isang Task Force upang ipatupad ang tinatawag na “Whole-of-Nation approach” sa pagsugpo sa mga rebeldeng komunista. Ang Whole-of-Nation approach ay isang diskarte na sinasang-ayunan ng mga pandaigdigang lider ng Association of South East Asian Nations (ASEAN) batay sa kanilang mga nakaraang pagpupulong hinggil sa pagsalungat sa ekstremismo at terorismo.
Ayon sa EO 70, dapat tugunan ang mga sanhi ng insurhensya, panloob na kaguluhan at tensyon, at iba pang mga armadong tunggalian at pagbabanta sa pamamagitan ng pagbibigay-prayoridad at paghahatid ng mga batayang serbisyong panlipunan sa mga lugar na nangangailangan ng mga ito. Isasagawa ito ayon sa isang bubuoing National Peace Framework (Pambansang Balangkas Pangkapayapaan).
Sa ilalim ng bagong lapit na ito, mas itinutulak na rin ng Malakanyang ang mga usapang pangkapayapaan sa mga rebeldeng komunista sa lokal na antas. Hindi kataka-takang tinatanggihan ng CPP ang ideyang ito na para bagang isang divide-and-rule tactic.
Maganda man sa papel ang “bagong” patakaran ng Malakanyang, nakababahala naman para sa mga nagtutulak ng kapayapaan ang mga binitiwang salita ng pangulo lalo na sa harap ng naganap na pagbibitiw si Jesus Dureza na dating Kalihim para sa Office of the Presidential Assistant on the Peace Process kasabay sa pagtatanggal sa dalawang tauhan niya dahil sa katiwalian.
Saan na nga ba patungo ang usaping pangkapayapaan lalo na hinggil sa mga rebeldeng komunista? May limampung taon na ang CPP noong Disyembre 2018. Sa ilalim ng limang Pangulo, hindi bababa sa apatnapung usapan at negosasyong pangkapayapaan na ang naganap kasama ang CPP. Minsan nang umabot sa mga 25,000 ang bilang ng armadong kasapi ng NPA noong mga taong 1986-1987.
Nang magsimula ang 2018, may 3,700 na aktibong armadong kasapi raw ang CPP-NPA ayon sa AFP Chief of Staff subalit sa pagtatapos ng taon, ang sabi ng mismong Secretary of National Defense, may 8,000 kasapi ng CPP-NPA ang napasuko sa loob ng buong taon. Paano naman nangyari ito? Kung gayon ba, dumarami pa ang mga rebelde?
Ayusin natin ang ating datos at pag-unawa sa rebelyong nagaganap mismo sa ating bayan lalo na sa mga kanayunan. Ang malinaw, ang rebelyong ito na tumatanda na ng husto ay kumuha na ng napakaraming buhay at lalo lamang itong lalala sa bawat buhay na di-makatarungang maaabuso o makikitil. Mailap ang kapayapaan kung patuloy ang pang-aabuso sa karapatang pangtao. #