Malampaya Fund gagamitin upang bayaran ang utang ng PSALM para pababain ang singil sa kuryente.
Ni: Jonnalyn Cortez
INAPRUBAHAN ng mga Senador sa pangatlo at huling pagbasa ang Murang Kuryente bill na naglalayong pababain ang singil sa kuryente sa pamamagitan ng paggamit ng P204 bilyong share ng gobyerno mula sa Malampaya Fund upang bayaran ang universal charges na pinapasa sa mga consumer.
Sa ilalim ng panukalang batas, na isinumite ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto at ini-sponsor ni Sen. Sherwin Gatchalian, mula sa share ng gobyerno sa Malampaya natural gas project ang ibabayad sa mga “stranded contract costs at stranded debts,” missionary electrification, na siya namang tumutukoy sa mga charges mula sa small power utility groups na naghahatid ng kuryente sa mga lugar na hindi konektado sa transmission system, environmental charges ng National Power Corp. (Napocor) at ang mga “feed-in-tariff allowance” na siyang nakikitang universal charges sa bill ng kuryente.
Bunsod nito, inaasahang bababa ang singil sa kuryente at makakatipid ang mga consumers mula sa pagbabayad ng P0.8474 kada kilowatt hour (kWh) ng electricity rates kung babayaran ang utang ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM) na magsisimulang mag-mature ngayong taon.
Paglalahad ni Recto na nang ibinenta ng gobyerno ang assets mula sa Napocor, naiwan ang mga “outstanding liabilities” na hindi kabilang sa pagbebenta. Sinalo naman ng PSALM ang obligasyon sa mga pananagutan, na siya namang ipinasa sa mga consumer sa pamamagitan ng pagbabayad ng universal charges sa kuryente.
“This explains why our electricity bill contains that seemingly innocuous item called universal charges or UC. It is where these stranded costs are lumped together with other un-itemized payables,” wika ni Recto.
NALALABING UTANG NG PSALM
Bago maaprubahan ang Murang Kuryente bill, tinukoy ng Energy Regulatory Commission (ERC) na mula sa kita sa missionary areas at universal charges na kinolekta mula sa lahat ng gumagamit ng kuryente ang pinopondo sa missionary electrification.
Sinabi naman ni Gatchalian na inaasahang lalong tataas pa ang universal charges sa mga darating na taon upang bayaran ang natitirang utang ng PSALM na nagkakahalaga ng P466.2 bilyon. Ipinapakita naman ng cash flow projection ng ahensya na kinakailangang magkolekta ng universal charge ng P0.8600 per kWh mula 2020 hanggang 2026.
“This means a total additional charge of P172 per month for an average household, money that could have been used to buy two to three additional kilos of rice,” pahayag ng dating mayor ng Valenzuela.
Dagdag naman ni Recto, maaaring tumaas sa P566.2 bilyon ang utang ng PSALM pagdating ng 2026, na siya ring taon na magtatapos ang korporasyon. Tataas naman ang financial obligation nito sa P595.6 sa 2031 dahil na rin sa mga babayarang hiniram.
Bunsod nito, inihayag ni Recto na ang “painless way” upang bayaran ang lahat ng naturang obligasyon ay ang paggamit ng Malampaya Fund sa halip na ipasa ang pagbabayad ng utang sa mga consumer.
Ayon kay Gatchalian, maaari itong magresulta na makatipid ang mga consumer ng P169.48 kada buwan at P2,033.76 kada taon, na maaari ng ipambili ng publiko ng isang sakong bigas.
MALAMPAYA FUND BILANG PAMBAYAD ng UTANG
Gamit ang Malampaya Fund, babayaran ang P244 bilyong utang ng PSALM upang i-settle ang lahat ng pananagutan nito.
Layunin ng Murang Ku- ryente bill na solusyunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente dahil sa stranded power sector privatization costs.
Kapag hindi pa ito nabayaran, muling madaragdagan ang kailangang bayaran ng mga consumer ng 86 centavos kada kWh kapag naaprubahan ang mga nakabinbin na petisyon para sa stranded debts at stranded contract costs.
Base sa unspent balance ng pondo noong Enero 2019, meron itong P231.9 bilyon. Gagamitin naman ang P56.13 bilyon dito bilang replacement ng universal charges na nakatakda sanang saluhin ng mga consumers.
“This should be a welcome relief to the average Filipino consuming public, and the pesos saved in electricity bills could always mean more money spent for other essential household expenses like rice or food,” pahayag ni Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco, na isa rin sa mga author ng panukalang batas.
Inihayag ni Recto na sumusunod ang naturang batas sa Presidential Decree 910 at sa ruling ng Supreme Court ukol sa bagay na ito dahil na rin maibabalik ang proceeds sa isang aktibidad na may kinalaman sa enerhiya.
PAGSASAGAWA NG ENERGY SOURCE EXPLORATION
Hindi naman kumontra ang Napocor, ERC, Meralco at Shell Philippines Exploration B.V. sa planong paggamit ng Malampaya Fund upang pababain ang presyo ng kuryente.
Gayunpaman, nahahati ang opinyon ng Department of Budget and Management (DBM) na gawing special trust fund ang naturang pondo at panatilihin na lamang itong “general fund.”
Tinanggap naman ni Velasco at ng panel ang suhestiyon ng Philippine National Oil Company- Exploration Corp. (PNOC-EC) na dapat ding gamitin para sa mga exploration project ang Malampaya Fund.
Sa ilalim ng Murang Kuryente bill, gagamitin ang P123 bilyon mula sa P204 bilyon ng Malampaya Fund upang bayaran ang stranded debts at stranded contract costs ng NPC, sa kondisyon na gagamitin ng PSALM ang naturang halaga hanggang 2023 upang isaayos ang lahat ng obligasyon.
Dapat naman i-remit sa special trust fund ang net national government share mula sa Malampaya Fund na siya namang pangangasiwaan ng PSALM.
Inatasan din ng panukalang batas ang DBM na magbigay ng “timely release” ng lahat ng halaga na inilaan sa PSALM alinsunod sa utang nito at “independent power producer payment schedule.”
Sa oras na matapos nang bayaran ang lahat ng stranded debts, stranded costs at anticipated shortfalls bago pa matapos ang corporate life ng PSALM, kailangang ibalik ang net national government share sa special fund upang pondohan ang energy resource exploration at development programs alinsunod sa Presidential Decree 910.
Obligasyon naman ng PSALM na magsumite sa DOE ng annual actual at projected cash flow ng stranded debts, stranded contract costs at anticipated shortfalls, pati na rin ang debt payment schedule at independent power producer contract payment sa DOE, ERC, DOF, DBM at sa Joint Congressional Power Commission (JCPC).
Inatasan naman ang DOE, DOF, DBM at PSALM na mag-promulgate ng mga kinakailangang alituntunin at regulasyon para sa tamang disposisyon ng mga pondo at epektibong pagpapatupad ng panukalang batas.