SA tabing dagat sa Lihue, Kauai, Hawaii nabuo ang pangarap ni Bethany Meilani Hamilton kung saan sa murang edad batid na ni Bethany ang hikahos na hinaharap ng kanilang pamilya.
Simpleng buhay lamang ang pamilya ni Bethany, waiter ang kanyang ama samantalang tagalinis naman ang kanyang ina. Sa mga pagkakataong abala ang kanilang magulang para maghanap-buhay, inaaliw ng magkakapatid ang kanilang libreng oras para lumangoy at magsurf sa dagat at dahil may kamahalan ang surfing board, nagsimula sila sa paghiram ng napaglumaang board.
Sa kanyang pagkatuto sa sport na surfing itinuring ni Bethany na kakampi ang malalakas na alon kung saan kaisa niya ang indayog at hampas nito.
Sa edad na walong taong gulang nagsimulang sumabak si Bethany sa kompetisyon, at ‘di kalaunan ay nakakuha siya ng sponsorship na nakatulong sa kanyang pag-aaral. At noong 13 taong gulang palang siya, nakuha niya ang second place sa National Scholastic Surfing Association (NSSA) National Championships sa San Clemente, California, isang presteryosong tagisan ng mga surfers.
Ngunit matapos lamang ang ilang buwan ng pagka-panalo ay nangyari ang hindi inaasahan, isang malaking hamon ang humagupit sa batang kampeon.
Shark Attack
Umaga ng October 31, 2003 nagkayayaan si Bethany at ang kanyang bestfriend na si Alana Blanchard na magsurf. Matapos ang ilang oras na pagsasaya sa dagat at paghamon sa alon, bigla na lamang naramdaman ni Bethany ang matinding pwersa na humihila sa kanya pailalim, sa bilis ng pangyayari, tanging inisip lamang niya ang makaligtas sa pagkalunod. Noong makawala, napansin niya ang dugo na unti-unting kumakalat sa kanyang nilalanguyan.
Matinding sakit ang naramdaman niya sa kanyang kaliwang bahagi ng katawan, hindi lamang pala sugat kundi putol na pala ang kanyang braso. Sa kabila nito pinilit niyang makalangoy sa abot ng kanyang makakaya para makarating agad sa pampang.
Agad naman na nalapatan ng first aid ng ama ni Alana si Bethany. Gamit ang tali sa surfing board, tinali nito ng mahigpit ang natitirang kaliwang braso ni Bethany, para maibsan ang dugong umaagos.
Nahuli naman ng isang mangingisda ang tiger shark na umatake kay Bethany, na may habang 14 feet at ayon sa mangingisda, kagat pa ng pating ang bahagi ng surfboard ni Bethany.
Hindi papadala sa agos
Nakakagulat na matapos lamang ang isang buwan, kasabay ng paghilom ng kanyang sugat ay ang ka-nyang muling pagbabalik sa dagat para sabayan muli ang matataas na alon.
Matapos ang ilang buwan na training bumalik sa NSSA national championship si Bethany at inuwi ang ESPY award for Best Comeback Athlete.
Nasundan pa ito ng autobiography na Soul Surfer: A True Story of Faith, Family, and Fighting to Get Back on the Board, na naging bestsel-ler, at ang pagkilala sa kanya ng MTV, ESPN at ng United States Sports Academy dahil sa pinakitang tapang at galing sa sports.
Naging tuluy-tuloy ang kanyang pagkapanalo at nasundan ng dokumentaryo na Heart of Soul Surfer at pelikulang Soul Surfer noong 2011.
Lumipas ang mara-ming taon at hanggang ngayon tuloy pa rin si Bethany sa pagsali sa kompetisyon at pag-uwi ng medalya. Hindi ang mataas at malakas na alon at kawalan ng kanyang braso ang hihila sa kanya pababa sa at lulunod sa kanyang mga pangarap.
“Then one minute my arm’s gone. I look back on that and I think how I wouldn’t even change it if I had the opportunity to. I see all the doors that it’s opened, it was a cool opportunity to let them open up and share what their struggles are, and share what our struggles are,” kwento ni Bethany.
Sa ngayon hindi na lang basta simpleng atleta si Bethany, tuloy pa rin siya sa pagbibigay pag-asa at tapang sa mga kabataan at kapwa atleta.
“You paddle out surfing and you have these huge sets and they’re just crashing on you. and you feel like you’re stuck in that constant paddle, paddle, paddle. You don’t feel like you’re getting anywhere sometimes.”
Ayon kay Bethany malaking bagay ang pagdarasal, paniniwala at pagpapaubaya sa plano ng Diyos sa atin, dagdag niya kailangan mong makahanap ng pagkukuhaan ng lakas ng loob at katatagan para maunawaan at maipagpatuloy ang iyong pangarap.
“If everything was e-xactly perfect, there would be no challenge in it. I like the challenges that we have to face, so I’m stoked and strengthened.”