EUGENE FLORES
NAGLABAS na ng mensahe si NBA Commissioner Adam Silver tungkol sa magiging sunod na galaw ng liga matapos ikansela ang mga laro dahil sa corona virus.
Ayon kay Silver kanselado ang mga laro sa NBA ng 30 araw upang maiwasan ang pagkalat at maproteksyunan ang mga manlalaro maging ang mga fans.
Ginulantang ang NBA maging ang buong basketball world matapos sunod-sunod ikansela ang mga laro. Matatandaang nag-positibo si Utah Jazz center Rudy Gobert kung kaya’t agad pinatigil ang mga laro.
Matapos ang ilang oras na pagsusuri sa mga manlalaro, nagpositibo rin ang kanyang kakampi na si Donovan Mitchell.
Negatibo naman ang naging resulta para sa ating kababayan na si Jordan Clarkson na manlalaro ngayon sa Jazz.
Bagama’t mabigat sa loob ng marami ang pagkansela ng mga laro, bumuhos ang suporta para sa buong liga at nangingibabaw ang pagtutulungan upang masugpo ang pandemic.
Nagbigay naman ng $100,000 si Cleveland Cavaliers star Kevin Love para sa Cavaliers staff upang makatulong dahil mawawalan ng trabaho ang mga ito. Ipinarating ni Love ang tulong mula sa kanyang Kevin Love Fund.
Dahil sa mga posibleng mangyayari, nagdesisyon ang mga NBA owner na bigyan ng ibang maaaring pagkakakitaan ang kanilang mga employee sa arena habang patuloy na sinusugpo ang corona virus.