POL MONTIBON
AGAD na inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra si Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag na magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa nadiskubreng pagpapasok ng mga kontrabando ng mismong mga bantay na pulis sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Sinabi ni Guevarra na nais niyang matukoy agad ang puno’t dulo ng kontrobersya dahil ang naturang insidente na inilarawan pa niya na “very disturbing report” o masyadong nakababahala dahil sa kabila ng mga paghihigpit ay patuloy pa rin pala itong nangyayari sa loob ng pambansang piitan.
Aminado naman ang kalihim na wala sa kapangyarihan ng DOJ na ipag-utos ang pagsibak sa mga sangkot na pulis na inaakusahang nasa likod ng pagpupuslit ng kontrabando sa Bilibid.
Ipinaliwanag ni Guevarra na hindi maaaring makialam ang DOJ sa direktang operasyon sa Bilibid pero maaari naman nilang tawagan ang pansin ng BuCor mismo kung ano ang dapat na gawin para matiyak na tama at mas maayos ang pamamahala sa NBP.
Kamakailan nang lumabas ang ulat na mayroong mga pulis na nagpupuslit ng tabacco, alak at cellphone sa compound ng NBP at nakumpiska sa kanila ang ilang pakete ng tobacco na itinago sa loob ng kahon at dalawang litro ng alak na inilagay naman sa bote ng iced tea.
Ibinebenta umano ang mga alak sa halagang P10, 000 hanggang P20, 000 kada bote.