Balik tanaw sa mga pelikulang nagpakilig sa mga manonood
NI: STEPHANIE MACAYAN
MARAMING pelikula ang tumatak sa puso ng Pilipino. Ating alalahanin ang mga ito at muling ibalik ang kilig na inihatid nito sa atin. Karamihan sa mga ito ay mapapanood na rin online ngayon.
K-drama, Chinese drama at Hollywood films ang paboritong panoorin ngayon lalo na ng mga millennial. Idagdag pa rito ang mga pelikulang tampok sa Netflix. Ngunit alam ba ninyo na bago pa man makahiligan ang mga palabas na gawa ng mga banyaga ay may mga lokal na pelikulang nagpakilig sa mga manonood noon?
Taong 2012 nang umpisahan ng ABS-CBN ang pagpapalabas muli ng mga klasik Pinoy movie. Ibinahagi ni ABS-CBN film restoration head Leo Katigbak na nasa 150 ng mga pelikula ang na-restore nila.
“They would say, ‘O, wow si Eddie Garcia pala ‘yan.’ Or ‘Maganda o gwapo pala talaga sila.’ Mga ganun, na nakikita nila,” sabi nito sa isang interview.
Narito ang ilan sa mga pelikulang muli na namang mae-enjoy ng mga nakapanood na nito noon at maging ng mga millennial na matutuklasan ang ilan sa magagandang pelikula noong mga nakaraang dekada.
‘Got to Believe’
Sino ba ang makakalimot sa tambalang Rico Yan at Claudine Barretto? Taong 2002 nang ilabas ang pelikulang ito.
Ito rin ang hindi malilimutang proyekto ng dalawa na hanggang ngayon ay binabalik-balikan pa rin ng kanilang mga tagahanga. Ito ay tungkol sa isang binatang photographer na hindi naniniwala sa happy ending. Ngunit nagbago ang kanyang pananaw nang makilala niya ang isang dalagang wedding planner, isang hopeless romantic na gusto nang makilala si Mr. Right.
Ang pelikulang ito ay ang huling proyekto ni Rico Yan bago siya pumanaw noong 2002.
‘One more Chance’
“Ako nalang ulit” ang linyang hindi malilimutan ng maraming nakapanood ng pelikulang ito. Matapos ang napakaraming viral memes, ang One More Chance paulit-ulit pa ring pinanood hanggang ngayon.
Gumanap sina John Loyd Cruz at Bea Alonzo bilang Popoy at Basha sa pelikulang ito na ipinalabas noong 2007.
Kwento ito ng matagal nang magkasintahang sina Popoy at Basha na naniniwalang sila hanggang sa huli. Ngunit sinubok ng tadhana ang kanilang relasyon at nauwi sa hiwalayan. Kahit na pilitin nilang makalimot, tila bumabalik ang nakaraan.
‘Forevermore’
Hindi ito ang sumikat na palabas nina Liza Soberano at Enrique Gil, ito ay ang 2002 pelikula nina Jericho Rosales at Kristine Hermosa.
Magkaibigan simula nang bata pa sina Anton (Jericho Rosales) at Marian (Kristine Hermosa) at lumaking magkasama sa probinsya ngunit nagkahiwalay sila. Taon ang lumipas nang bumalik si Anton sa probinsya upang bisitahin ang lolo na may sakit. At muling nakita ni Marian ang kaniyang first love. Ngunit ito pala ay nagbago na at malayo sa dating Anton na kanyang kilala.
‘Basta’t Kasama Kita’
Si Dayanara Torres na mula sa Puerto Rica na nanalo bilang Miss Universe 1993 sa edad na 18, ay namalagi sa Pilipinas ng ilang taon at nabigyan ng maraming proyekto dahil isa rin siyang magaling na aktres, singer, modelo at manunulat. Isa sa mga proyektong ito ay ang pelikulang Basta’t Kasama Kita kasama si Aga Muhlach.
Ang istorya ay tungkol sa determinado at gusto ng malayang buhay na si Princess Marinella (Dayanara) na napunta sa mahirap na lugar ng Maynila at doon nakilala ang masipag na jeepney driver na si Alex (Aga).
‘Labs Kita, Okay Ka Lang?’
Isa sa mga pinakasikat na love team noong ‘90s sina Jolina Magdangal at Marvin Agustin at pinagbidahan nila ang Labs kita, Okay Ka Lang? noong 1998.
Hindi mapaghiwalay ang matalik na magkaibigang sina Bujoy (Jolina) at Ned (Marvin). Walang kamalay malay si Ned na may lihim na pagtingin si Bujoy sa kaniya, pilit niya itong itinago upang hindi masira ang pagkakaibigan nilang dalawa at dahil na rin si Ned ay may kasintahan na isang balikbayan, si Mary Ann.
‘Kung Ako Nalang Sana’
Ito ang kauna-unahang pagsama nila Sharon Cuneta at Aga Muhlach sa big screen.
Tungkol ito kay Emy (Sharon) na maganda ang takbo ng career (Sharon) at ng playboy na si Vince (Aga). Hindi man parehas ng kalagayan sa buhay ay naging malapit sila sa isa’t isa dahil nagkakaintindihan sila. Ngunit dumating ang araw na may babaeng nakapagpabago kay Vince at naging kasintahan ito habang hindi alam ni Vince na nahulog na sa kaniya ang loob ni Emy ngunit tinago na lamang nito.
Ito ay ipinalabas noong 2003. First time nagtambalan sina Sharon at Aga ngunit malakas ang chemistry nilang dalawa.
‘Bituin Walang Ningning’
Old but gold ang linyang “You’re nothing but a second-rate, trying hard, copycat!” na naging pambansang linya noon.
Linya ito ni Cherie Gil na gumanap bilang Lavinia Arguelles, isang kilala at sikat na singer na nangamba sa rising star na si Dorina Pineda na ginampanan ni Sharon Cuneta at ang pinag-aagawan nilang lalaki na ginampanan ni Christopher De Leon. Ipinalabas ito noong 1988.
Iilan lamang Ang mga ito sa tumatak sa isip at umantig sa puso ng mga Pilipino. Ang lahat ng iyan ay maaring mapanood mapa-smartphone, tablet o ‘di kaya sa computer o Laptop at available sa online. Maaari rin mapanood sa Iflix.