POL MONTIBON
NASA 300 mga Pilipino na naninirahan sa East Gippsland, Victoria ang napilitang lumikas dahil sa nagpapatuloy na malawakang bushfires sa New South Wales, Australia.
Ayon kay Aian Caringal, Consul General ng Philippine Embassy sa Canberra, lima mula sa nasabing bilang ang kasama sa 1,500 residente na nasunugan ng bahay.
Sinabi ni Caringal na sa ngayon ay pansamantalang nananatili sa mga evacuation centers ang nasabing mga Pilipino.
Magugunita na Setyembre 2019 pa nang magsimula ang bushfire sa Australia, dahilan para lumikas ang maraming residente mula sa kanilang tinutuluyang bahay.
Tiniyak naman ni Caringal na nakahanda ang Embahada ng Pilipinas para sa posibleng repatriation ng mga Pinoy workers na gusto nang umalis sa Australia dahil sa bushfires.