Ni: Wally Peralta
Masasabing isa sa ‘apple of the eye’ ngayon ng Kapuso Network ang sexy actress na si Solenn Heusaff-Bolzico dahil pagkatapos ng teleseryeng ‘Encantadia’ ay kasama naman siya ngayon sa book 2 ng ‘Alyas Robin Hood’ na pinagbibidahan nina Dingdong Dantes at Andrea Torres.
Bukod din sa nasabing teleserye, may show sila ni Rhian Ramos na ‘Taste Buddies’ at may reality game show din siya na ‘All star videoke’ kasama si Betong.
“Hindi naman, siguro natapat lang na maraming project na nakalaan sa akin at may time din naman na isa lang ang ginagawa ko sa GMA 7. May mga co-actors din naman ako sa Kapuso Network na bisi-bisihan din sa kanilang mga commitments,” pahayag pa ni Solenn.
Inamin din naman ng sexy actress na hindi niya akalaing mapabilang siya sa cast ng ‘Alyas Robin Hood 2’ kaya laki umano ng kanyang pasasalamat dahil may teleserye agad siyang pagkakaabalahan.
May panahon pa rin kay Nico
Maraming ginagawa si Solenn ngayon ngunit sinisiguro umano niya na may panahon at oras pa rin siya sa kanyang asawa na si Nico Bolzico.
“Sad to say na halos ‘di na rin kami nagkikita madalas lately, busy siya sa kanyang work sa businesses niya and is often out of town like nasa GenSan or Cagayan de Oro siya lagi. Basta on Sunday, we make sure we both don’t work so we can be together,” kuwento ni Solenn.
Lalaki ang gustong maging first born
Noong kinasal last year ay natanong si Solenn kung may plano na ba sila ng mister na bumuo agad ng pamilya? Sinabi nito na ‘not in the near future’ dahilan sa hindi pa raw sila both ready maging parents at gusto pa rin nila i-enjoy ang isa’t isa ng mister.
“Not soon. We want to have our own house muna. Then we’ll get a dog para dun muna kami mag-praktis. Then saka kami magbe-baby.” Aniya pa.
“For now we have naman Patato, our turtle. The next step would be a dog, we’re looking for a dog. After the dog, comes the house where the dog is gonna live,” ang pabirong pahayag ni Solenn. Pero aniya, pareho nilang gusto na lalaki ang kanilang magiging panganay.
“I want a baby boy, si Nico ganun din,” ang maikling wika niya.
Pwedeng maging stuntwoman
Kapuna-puna rin na nasasabak na ngayon si Solenn sa mga action drama na teleserye, noon sa ‘Encantadia’ at ngayon naman sa ‘Alyas Robin Hood 2’.
“Yun naman talaga ang gusto kong gawin, mga fight scenes. Gusto ko naman na magamit yung pinag-aralan ko na boxing, at saka ngayon I’m still into training martial arts, muay-thai and other related sports,” pahayag pa ng actress.
Masaya umano siya na halos lahat ng ginagawa niya ay maaksyong teleserye, at kaya na rin niyang maging stuntwoman gaya ng ginawa niya sa ‘Encantadia’.
At kahit sexy actress ang unang pagkakilala sa kanya ng masa pero handa pa rin siyang ituloy-tuloy ang pagiging action star.
Pero ayon kay Solenn pwede naman siyang maging sexy kahit action ang mga project niya.