Ni:JONNALYN CORTEZ
MAAARING magdulot ng nakamamatay na sakit na pneumonia ang paggamit ng vape o electronic cigarette. Ayon ito sa bagong pananaliksik na ginawa ng Queen Mary University of London na inilathala sa European Respiratory Journal. Mas mataas nga daw ang tiyansa ng mga gumagamit ng vape na magkaroon ng pneumonia kumpara sa mga taong di gumagamit nito.
Napag-alamang ang usok na nanggagaling dito ay maaaring kasing sama ng usok na nanggagaling mula sa tunay na sigarilyo. Maaari itong magdala ng nakasasamang bakterya sa daanan ng hangin ng tao na nagdudulot ng kondisyong pamamaga ng baga.
Napag-alaman ding ang ganitong epekto ay matatagpuan sa mga e-cigarettes na may nicotine man o wala. “If you choose to take up e-cigarettes, this indicates a red flag that there may be an increased susceptibility to pneumococcal bacteria,” ani Jonathan Grigg, ang co-author ng pananaliksik. Lumabas sa pag-aaral sa 17 na regular na gumagamit ng e-cigarettes na tumaas ng tatlong antas ang PAFR o platelet-activating factor receptor ng mga ito isang oras pagkatapos gumamit ng vape.
Nilinaw naman sa nasabing pananaliksik na hindi nila direktang ikinumpara ang epekto ng paggamit ng e-cigarette sa mga taong naninigarilyo sa tradisyunal na paraan. Pinapayuhan naman ang mga naninigarilyo, e-cigarette man o tunay na sigarilyo, na gumamit na lamang ng nicotine patches o bubble gum upang maiwasan na ang paggamit ng mga ito.