Ni: Edmund C. Gallanosa
PANAHON na ng tag-ulan, katakut-takot na baha na naman ang kahaharapin ng ating mga mamamayan. Nito lamang mga nakaraang araw, maraming lugar sa Maynila at siyudad ng Quezon ang lumubog sa baha—mga kalye, sasakyan, kabahayan. Ang dulot nito, pagkasira ng mga gamit, pagkaantala ng power supply, abala sa trabaho at negosyo, matinding trapiko.
Ni hindi pa nga tumuntong ng signal no. 1 ang namuong low pressure area na nagpabuhos ng panaka-nakang ulan.
Marami sa mga naperwisyo ang galit na galit at sinisisi ang mga kaliwa’t kanang konstruksyon sa kalye na nagpapalala sa trapiko sa Kamaynilaan.
Subalit ang isinasagawang mga konstruksyon sa lansangan para mapaayos pa ang daloy ng trapiko, hindi para palalain ito. Hindi rin dapat nagbabaha ang ating mga kalye, sapagkat hindi naman tinatanggal sa konstruksyon ang mga kanal.
Hindi kaya ng mga kasalukuyang drainage system sa kalakhang Maynila ang biglaang dami ng tubig sa lansangan—hindi nila kayang padaluyin at magpatuloy magpa-agos papunta sa mga estero at ilog upang hindi magbaha sa kalsada. Hindi nga ba kaya? O dahil lamang sa basura? Malinaw pa sa sikat ng araw na mga plastic ang nagbabara.
Ang plastic kasi ay gawa sa sangkap na hindi nabubulok. Dahil matibay bilang pangunahing ‘packaging material’ sa mga produkto lalo na ang mga processed foods. Sa kasamaang palad, marami sa mga packaging materials na ito ay itinatapon agad at hindi na ginagamit pang muli, kaya mabilis ang pagdami nito sa tambakan ng basura.
Dumaragdag pa ang maling pagdispose nito. Sa mga ayaw sa plastic, magpursige
Sa Dumaguete City, pi-naigting ang pagpapalawig ng ordinansang ‘no plastic’ policy para sa mga pampublikong pamilihan at inuudyok nang muli ang mga pribadong establisyamento na sumunod sa ordinansa.
“Minsan nang ipinatupad ang ordinansang ito ilang taon na ang nakalilipas subalit nahinto noong mawala ang mga enforcers namin. Kaya balik sa pagpupursige ngayon ang siyudad upang manumbalik ang paglilinis sa lugar. Ang pagbawas ng paggamit ng plastic would mean better management sa garbage collection at disposal,” ayon kay Dumaguete City Economic Enterprises Officer Engr. Jose Ronnie Fortin.
Sa Baguio City naman, si-nimulan na ang pagpapatupad sa ‘No Plastic’ policy at sabayang binabantayan ang mga pampublikong pamilihan at private establishments na sumunod sa lalong madaling panahon upang mabawasan ang mga nagagamit at itinatapong basura. Gabundok ang basura rito at talaga nga namang unstable ang kinalalagyan nito.
Hindi layon ng mga ordinansang ito ang tanggalan ng pagkakakitaan ang mga taong naglalako ng mga plastic. Itinatakda lamang ang pagbabawas sa sobra-sobrang paggamit nito sapagkat marami pa sa ating mga kababayan ang pabaya sa pagtapon ng kanilang mga basura.
Good news naman sa mga mamamayan
Salamat at may mga kumpanya pa rin na nagpupursige na tumuklas pa ng mga bagong formula upang makagawa ng mga sisidlan ng produkto na ‘organic’ o ‘biodegradable,’ pamalit sa nakasanayan nang plastic na gamit. Tuloy-tuloy pang tumutuklas ang boy-genius na si Amin Hataman at umaambag pang lubos ang D&L Industries para mas madami pang biodegradable products.
Sa mga plastic manufacturers, napapanahon na ang mga kumpanyang ito ay magkaroon ng ‘adapting policy’ kung saan dapat palitan din nila ang kanilang formula at gumamit ng mga ‘biodegradable materials’ sa kanilang produkto.
Sa Antipolo City, umabot sa halos 70% ang ibinaba ng insidente ng pagbabaha sanhi ng mga itinapong plastic. Ganun na rin ang pagbaba ng dami ng basurang hindi nabubulok. Sa panahon ng pamumuno ng dating Alkalde Nilo O. Leyble nang maisapatupad ang ‘No Plastic’ policy at dahil sa matinding pangangailangang malutas ang suliranin sa basura at baha, tumugon ang mga tao.
“‘Political will’ ang kailangan sa pagpapatupad ng ganitong ordinansa at involved lahat, walang exception. Kailangan ang suporta hindi lamang ng mga consumers pati na rin sa mga namumuhunan dito at ikinakalakal. Puntahan mo sila, sabayan mo sila habang namimili. Tignan mo ang ginagamit nila—makiusap ka sa kanila. Ganun din sa mga nagtitinda. Kung wala kang political will, hindi ka papansinin ng tao.” Sabi ng dating Antipolo mayor Nilo Leyble. Minsan pa nga inakyat ni Mayor Nilo ang tambakan ng basura. Nangingibabaw ang sandamakmak na plastic bilang pangunahing laman ng tambakan.
Sang-ayon naman ang isang negosyante sa galaw ng dating alkalde. “Noong nanawagan si Mayor Nilo to campaign for the implementation ng plastic at styrofoam regulation sa Antipolo, I believe majority of the business community members and residents pledged their support for the ordinance. Ang irony nga niyan, nasa bundok na kami nakatira pero may mga places pa din na binaha, dahil lang sa mga basura na plastic na bumara. Imaginin’ ninyo nalang ‘yung nasa kapatagan. Kaya ‘yung nakapalibot sa Maynila, dapat gumaya na rin. Dahil dyan ang madaming concentration ng mga tao who makes wastes.” Sabi naman ni businessman Danny Tan.
Wala namang nakasaad sa mga ordinansa ng mga munisipyo at siyudad ang naguutos ng ‘total ban’ sa mga plastic, sapagkat napaka-imposibleng mangyari ito. Ang idinidiin lamang ng mga ordinansa ay ‘reduction’ o pagbabawas sa paggamit ng mga plastic. Nasanay na kasi ang mga mamamayan na patong-patong ang plastic—bibilhin na sa plastic na pakete ang isang produkto at ibabalot pang muli sa sando bag para mabitbit nang maayos. Subalit pagdating sa bahay, diretso sa basurahan ang mga plastic na pinaglagyan. Kalaunan babagsak ito sa mga tambakan ng basura. Ang iba rito ay hindi na nga nakakarating sa tamang tambakan, kakalat at makakarating sa kalye at kapag umulan at umagos ang tubig, babara ito sa mga kanal.
Kung meron man dapat nangunguna sa pagpapaigting ng ‘No Plastic’ policy mula sa public market, fish terminal, meat at cold storages ay ang kalakhang Maynila. Sana pagibayuhin pa ng mga nagsimula nang magpatupad sa regulasyon ng paggamit ng plastic—tulad sa Pasay City, Las Pinas, Makati, Mandaluyong, Marikina, Muntinlupa, Pasig at sa siyudad ng Albay. Sila dapat ang manguna sa pag-iimpluwensiya, at marahil, ang mga probinsiya ay makukuha rin nilang sumunod. Tamang gamit ng plastic, tamang pag-dispose, mas maayos na kapaligiran ang katumbas. Walang bara, walang baha.