Ni: Kristin Mariano
TANUNGIN mo ang kahit sinong millennial ngayon, mayroon silang sinusundan na vlogger sa YouTube o Instagram star. Marami na ngang mga indibidwal (artista man o hindi) na sumisikat sa social media. Kada-scroll at kada-click ay nakikita natin ang mga posts ng fina-follow nating mga social media influencer.
Para sa mga kumpanya, ito ay isang magandang balita dahil nagbukas ito ng panibagong daan para maabot ang kanilang target market. Ang digital marketing ay ang paraan ng advertising online. Maraming mukha ang digital marketing, nariyan ang Google at Facebook ads, ngunit nagiging popular din para sa mga kumpanya na tapikin ang mga nagsusulputang social media influencers online.
Sa pamamagitan ng product placement, dedicated posts, o simpleng pag-mention ng produkto o serbisyo ay ilan lamang sa mga paraan kung paano pino-promote ng mga social media influencer ang mga produkto na pinu-push sa kanila ng mga kumpanya.
Nangunguna ang Pilipinas sa paggamit ng social media, kaya natural lamang para sa mga kumpanya na pumunta sa mga social media influencers dahil mas matipid at mas epektibo na ito ngayon kumpara sa tradisyonal na advertising.
Kahit sino ba ay maaaring maging celebrity sa Facebook, Instagram, at YouTube? Ang sagot ay OO. Maniwala ka man o hindi, cellphone lang at kumpiyansa sa sarili ang kailangan mo upang simulan ang career mo online. Isa sa mga pinakamabilis na daan upang sumikat ay maging viral ang isang content (post, larawan, o video) mo online.
Subalit, hindi madali maging isang social media influencer, kailangan mong ipagpatuloy ang pagpo-post ng vlogs, blogs, photos, at social leads upang ma-sustain ang iyong followers at manatiling interesado sayo ang mga social media users. Parang programa sa telebisyon, dapat laging may bago.
Brian Kevin Felix, social media influencer sa Instagram.
Buhay social media influencer
Nakausap ko si Brian Kevin Felix, mas kilala bilang @itsmebrie at @nonfoodienetwork sa Instagram, tungkol sa buhay bilang isang social media influencer. Sa kabuuan, siya ay may libu-libong followers sa social media na umaantabay sa bawat update niya. Sa tunay na buhay, si Brian ay isang normal na empleyado sa Makati na mahilig kumain at mag-travel.
Tulad ng nakararami, nag-umpisa si Brian bilang isang photography enthusiast na ginamit ang social media upang maibahagi ang kanyang passion sa photography, food, at travel. Noong 2014, sumali si Brian sa grupo ng mga Instagram users, IGersManila, na naghasa sa kakayanan ni Brian sa photography. Ang grupo na ito rin ang nagbigay daan sa unang collaboration ni Brian kasama ng mga brands at kumpanya.
Sa pagdami ng followers ni Brian ay ang pagdami rin ng mga kumpanya na lumalapit sa kanya para makipag-collaborate. Ilan sa mga ito ay Travel Club PH at Air Asia. Tulad ng mga artista, isa ng endorser si Brian ng mga piling produkto at serbisyo.
Para sa mga kumpanya, ang social media ang isa sa pinakamadaling daan upang maabot ang kanilang target market at ma-advertise ang kanilang produkto o serbisyo. Ang mga kumpanyang ito ay may nakalaan na budget para sa kanilang “marketing strategies,” kasama rito ang pakikipag-collaborate sa mga social media influencers.
Ang presyo o “fee” ng isang social media influencer ay hindi pare-pareho, ito ay nakadepende sa dami ng kanyang followers at demographics nito. Sa kaso ni Brian na may iilang libong followers, madalas ay nakakatanggap siya ng “X-deals” mula sa mga gustong makipag-collaborate sa kanya.
Ibinahagi sa akin ni Brian na wala siyang balak iwanan ang kanyang kasalukuyang full-time job para seryosohin ang buhay influencer. Sa kabilang banda, may mga social media influencer na full time na ginagawa ang mga marketing promotions na parang mga celebrity at kumikita ng five to six figures sa paggawa ng content.
Digital marketing ang isa sa pinaka-epektibong paraan upang maabot ang target market sa kasalukuyang panahon
Gaano ka-reliable ang social media?
Kahit sinong may social media accounts ay maaaring maging isang social media influencer, ngunit sa dami ng mga nagsusulputang influencers online, kinukuwestiyon ang kanilang reliability. Mapagkakatiwalaan ba ang kanilang pag-eendorso ng mga produkto?
Tulad ng pag-endorso ng mga artista, matagal ng usapin ang reliability ng pag-eendorso ng kahit sinong indibidwal (artista man or influencer). Gaano ka-authentic ang kanilang mga sinasabi tungkol sa mga produkto at serbisyo? Mapapataas na lamang ang kilay ng ilan kung ang magandang review ng isang produkto ay dahil sa “collaboration” o “X-deal”.
Isa sa mga kondisyon ni Brian sa kanyang mga collaborators ay ang pagbibigay niya ng “honest review” ng mga produkto o serbisyo ng kumpanya. Para kay Brian, ang kanyang social media posts ay personal na opinyon niya sa paggamit ng produkto.
Hindi madali maging social media influencer, payo ni Brian sa lahat ng nais na maging isang social media influencer, “hanapin mo ang identity mo at i-build mo yung character mo. Be true to yourself.”