Ni: Jonnalyn Cortez
MULING magbabalik ang Pinoy four-division boxing world champion na si Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire sa boxing ring upang harapin ang isa ring dating world champion na si Carl ‘The Jackal’ Frampton ngayong darating na Abril.
Sinasabing kinakailangang maipanalo ni Donaire ang laban kay Frampton upang patunayang kayang-kaya pa rin n’yang patumbahin ang mga tinaguriang top dogs ng featherweight division.
Matatandaang pagkatapos hindi palarin sa laban n’ya kay Jesse Magdaleno noong 2016, muli s’yang pumirma sa ilalim ng Ringstar Sports upang harapin Reuben Garcia Hernandez noong 2017. Ito ay nagwagi via unanimous decision at kanyang naiuwi ang WBC Silver Featherweight championship.
Sa kasalukuyan, si Donaire ay mayroong ng pitong world titles sa four weight classes.
Sa kabilang dako, si Frampton ay nanatiling undefeated sa kanyang 22 na laban. Ang tanging pagkatalong kanyang naranasan ay naganap noong hinarap n’ya si Leo Santa Cruz para sa kanilang WBA Super World Featherweight title rematch noong 2017.
Sa ngayon, si Frampton ay may ilang world title wins at defenses na rin sa super bantamweight and featherweight classes.
Ang labang Donaire at Frampton
Sa labang Donaire at Frampton, kung ang huli ay matalo batay sa desisyon, mabibigyan ito ng pagkakataon upang lumaban ulit o ang tinatawag na “contention.”
Sa naitala, si Frampton ay may mas mataas na standing sa mundo ng boxing kumpara kay Donaire. Ang tinaguriang kauna-unahang boxer sa Northern Ireland na may world titles sa dalawang division ay No. 3 sa The Ring magazine’s featherweight list. Dahil dito, ito ay madaling makakapagsimula ulit kung matalo kay Donaire.
At, sa edad na 31 years old, may apat na taon pa itong maaring gugulin upang lumaban. Ngunit, kung si Frampton ay matalo via knockout o stoppage, maaari itong maging dahilan ng kanyang maagang pagreretiro.
Sa isang banda, sa edad na 35, si Donaire ay mayroon na lamang dalawa o tatlong taong nalalabi upang lumaban sa boxing ring. Sa oras na ito ay matalo kay Frampton, maaari Rin itong humantong sa kanyang maagang pagreretiro.
Ang pagtanggap sa hamon
Sa isang panayam, agad tinanggap ni Donaire ang hamon na harapin si Frampton sa kanyang sariling bansa sa Belfast.
Kahit pa na parang susuong ito sa lugar ng kalaban, sinabi ni Donaire na ito ang klase ng laban na kanyang nais. “This is exactly the type of fight I live for — going in against one of the best in the world in the lion’s den of his hometown of Belfast,” anya sa BoxingScene.
Kahit may ilang buwan bago ang kanilang paghaharap, inamin ni Donaire na hindi na ito makapaghintay na madinig ang unang bell ng kanilang laban.
Aminado ang The Filipino Flash na kailangan n’yang gawin ang lahat ng kanyang makakaya at ibigay ang kanyang 100 percent sa gabi ng kanilang paghaharap. Sa katunayan, kanyang inihayag na kasulukuyan na s’yang nagte-training ng mas maigi kumpara sa mga nakaraan n’yang laban.
Ang bentaha ni Donaire at Frampton sa isa’t-isa
Kung susumahin, sa labanang Donaire at Frampton, nakikitang mas may lamang ang The Filipino Flash laban sa The Jackal ng Ireland. Sa taas, di makakailang mas matangkad ang ating sariling world champion sa height na 5’6.”
Kaya naman kinakailangan ni Frampton ng angking bilis at lakas upang matalo si Donaire – tulad nina Guillermo Rigondeaux at Jessie Magdaleno na may di matatawarang ring movements na naging dahilan ng pagkatalo ng ating Pinoy boxer.
Gayunpaman, sinasabing mas pabor ang labang ito kay Frampton lalo na at ito ay magaganap sa kanyang sariling bansa, kung saan ang mga kapwa n’ya Irish ay halos sambahin ang kanilang mga boxers. Tignan na lamang kung gaano kamahal ng mga Irish si Conor McGregor noong nakaraang laban nito kay Manny Pacquiao sa sarili nitong bayan.
Ngunit, dahil si Donaire ay kilala ng lumalaban sa labas ng bansa, at ang pagkakaroon nito ng mas maraming title fights kumpara kay Frampton ay isang malaking bentaha, masasabing mas may lamang pa rin ang ating pambato.
Sabi nga ni Frampton, “Has a bigger ‘away’ fighter ever come to fight in Belfast before? I don’t think there’s been a bigger name than Nonito Donaire and he’s coming to fight a local guy in his hometown.”
Ang labang Donaire at Frampton ay magaganap sa SSE Arena sa Belfast, Northern Island sa darating na April 21.