Ni: Noli Liwanag
HUMANGA sina FEU Cheering Squad head coach Randell San Gregorio, at Adamson Pep Squad coach Jam Lorenzo, sa napakagandang performance ng National University (NU) Pep Squad sa University Athletics Association of the Philippines (UAAP) Season 81 Cheerdance Competition na ginanap sa SM Mall of Asia Arena (MOA), Pasay City, kamakailan.
Pang-limang kampeonato na ng NU sa UAAP-CDC kung saan suot ang magagarang damit, naagaw ng NU ang titulo ng defending champion na Adamson University Pep Squad na kampeon noong nakaraang taon.
Mula sa temang “With a Dia de Los Perros” (Day of the Dog) ng NU, kumolekta ang Bulldog ng 711 points; 1st runner-up ang Far Eastern University (FEU) Cheering Squad, na may 655.5 points; 2nd runner-up ang Adamson sa kanilang “Lion King” performance.
Champion din ang NU sa hiwalay na kompetisyon na Group Stunts; 1st runner up din ang FEU, at 2nd runner up ang Adamson.
4 Pinoy MMA wagi sa ONE: Conquest of Champions
NADEPENSAHAN ni Filipino-American Brandon “The Truth” Vera ang title belt nito laban kay Mauro “The Hammer” Cerilli ng Italy, sa main event ng ONE: Conquest of Champions na ginanap sa SM Mall of Asia (MOA) Arena, Pasay City, kamakailan.
Hindi man lang nag-init ang upuan ng mga manonood na nabigla dahil tinapos agad ni Vera ang laban at pinabagsak (KO/TKO) si Cerilli sa 1st round (l.04) at napanatili ang hawak sa Mixed Martial Arts — ONE Heavyweight World Title.
Magandang regalo naman sa birthday (November 22) ni Eduard “Landslide” Folayang ng Team LAKAY ang pagkakapanalo nito kay Amir Khan (Evolve MMA) ng Singapore para sa ONE Lightweight World Title. Sa co-main event, nakuha ni Folayang ang MMA ONE Lightweight belt sa pamamagitan ng unanimous decision (UD).
Panalo rin si Honorio “The Rock” Banario laban kay Rahul Raju ng India sa pamamagitan ng UD para sa MMA ONE Catch Weight (79KG).
Wagi naman si Jeremy “The Jaguar” Miado ng Balby Team/Ronins MMA and Fitness sa pamamagitan ng TKO sa 2nd-round, laban kay Chinese wrestler Peng Xue Wen. Ang impresibong panalo ng Pinoy MMA strawweight ay nagtala ng 8-3.
Limang Filipino na ang may ONE Championship belt. Si Vera (Heavyweight); samantalang, apat sa Team LAKAY ang champion: Kevin “The Silencer” Belingon (Bantamweight), Geje “Gravity” Eustaquio (Flyweight), Joshua “The Passion” Pacio (Strawweight), at Eduard “Landslide” Folayang (Lightweight).
PBA GOVERNORS’ CUP FINALS
MAGANDA ang laban ng Magnolia Hotshots Pambansang Manok at Alaska Aces sa best-of-7 ng PBA Governors’ Cup.
Ayo kay Paul Lee, “Parehas ng style ng laro ang maglalaban. Parehong madepensa. So for sure, magandang series.”
Nang masilat ng Magnolia ang Barangay Ginebra San Miguel sa semifinals muling binati ni Lakers superstar LeBron James ang Magnolia import na si Romeo Traviz. Si LeBron ay kababata ni Travis, na agad nagpasalamat sa kanyang “Brother James.” Ang dalawa ay malapit na magkaibigan mula pa sa kanilang high school days sa St. Vincent-St. Mary sa Akron, Ohio.
NATIONAL MILO MARATHON
GAGANAPIN sa Laoag City, capital ng Ilocos Norte ang National Finals ng 42nd season National MILO Marathon (NMM) sa Disyembre 9.
Ang mga nanalo sa NMM 10-leg event ay tatakbo sa finals at asahan na ang maayos na pangangasiwa nina MILO sports executive Lester Castillo, Nestle Philippines Consumer Marketing manager Robbie De Vera, Faivo Bartolome ng RunRio, ang local race organizer ng Laoag National Finals, at Andrew Neri, RunRio, NMM National Race Organizer.
Ang 42nd NMM ay may temang “Magsama-sama, Tumakbo, Matuto,” na inindorso ng Department of Education (DepEd), Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC), aprubado ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAPA), katuwang ang provincial government ng Ilocos Norte, at Laoag City LGU.