NAALAALA ko ang kuwento ng aking namayapang lola tungkol sa karanasan niya noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Palibhasa ay malapit kami sa airstrip sa aming lugar, ang naturang paliparan daw ang ginawang himpilan ng maliliit na eroplano ng Japanese Imperial Army, nang sakupin ng mga Hapon ang Pilipinas.
Ayon sa kuwento, nang bumalik ang hukbo ni Gen. Douglas McArthur sa Pilipinas, nakasama ang Plaridel Airstrip sa mga himpilan ng mga sundalong Hapon na binomba ng mga Amerikano kaya nasaksihan daw ng aking lola ang mga bombang inihuhulog mula sa eroplano ng United States Air Force at ang nakabibinging pagsabog sa lupa ng naturang mga bomba.
Pero ngayon ay iba na ang sistema ng digmaan kung mangyayari ang kinatatakutang World War III, kumpara sa World War II. Ayon sa mga eksperto, hindi na kailangang isakay pa sa eroplano ang nuclear bomb dahil kasama na sa missile ang bomba nukleyar na kapag pinalipad sa destinasyong target ng bomba ay roon ito sasabog at lilikha ng napakalaking kapinsalaan sa mga buhay at mga ari-arian.
Bagama’t may makabagong aircraft bomber ang Amerika, ang B-2 Spirit stealth bomber, mawawalan ito ng kabuluhan kung mangyayari ang nuclear war.
Nakapanghihilakbot isipin na kapag ang isang nuclear bomb ay sumabog sa isang mataong siyudad tulad ng Maynila, ang pitong kilometrong paikot na babagsakan ng bomba ay mapupugnaw — walang makikitang anumang istrakturang nakatayo sa palibot ng 7-km radius, ang lahat ng bagay sa blast site ay matutunaw na parang hamog, ayon sa mga eksperto.
Ang mga lugar naman sa labas ng 7-km radius o ground zero ay makararanas ng shockwave, kung saan ay maraming istraktura ang masusunog dulot ng napakainit na hanging nalikha ng nuke explosion na aabot ng ilang kilometro.
Ang malalayong lugar ay makararanas ng nakalalasong hangin, kung saan ang mga taong na-expose sa nuclear radiation kahit na mabuhay ay magkakasakit ng cancer at iba pang karamdaman na magdudulot ng kamatayan.
Kaya ipagdasal natin na huwag mangyari ang nuclear war dahil walang bansang mananalo sa uri ng giyerang ito dahil sa bandang huli, ang sangkatauhan ang talunan.