Ni: Ma. Leriecka Endico
Melanoma. Isa itong uri ng kanser sa balat na may kinalaman sa ating melanocyte cells na responsable sa paggawa ng melanin sa ating katawan. Ito ang nagbibigay kulay sa ating balat, buhok at mata. Melanocytes din ang uri ng cells na responsable sa pagusbong ng nunal, bagay na madalas pagmulan ng Melanoma.Habang ito ang pangunahing dahilan ng sakit na ito, tandaan na hindi lahat ng nunal ay nagiging melanoma.
Paano nga ba malalaman kung posibleng maging kanser sa balat o melanoma ang ating nunal?
Mungkahi ng isang artikulo mula sa Cosmopolitan na tingnan at suriin natin ang ating mga nunal kada tatlong buwan at maaari itong gawin nang hindi pumupunta sa doctor sa tulong ng ‘ABCDE’ na kanilang isinulat.
- Tingnan ang mga nunal kung pantay-pantay ito ng hugis. Bagama’t walang perpektong hugis ng nunal, mas mataas ang posibilidad ng melanoma kung hindi proporsyonal ang hugis nito.
- Irregular na hangganan. Suriin kung umaangat na ito sa balat.
- Irregular na kulay. Dahil melanocyte ang responsable sa ating melanin na nagbibigay kulay sa ating balat, kung may iba’t-ibang kulay ang nunal at hindi ito katulad ng karaniwang kulay mabuting magpatingin sa espesyalista.
- Sukatin ang nunal at suriin kung ito ay mas malaki pa sa 6mm, kasing laki ng dulo ng lapis. Bagama’t may natural na malalaking nunal depende sa uri nito katulad ng ‘congenital mole’ o balat, ang laki at kulay nito ay may mataas na posibilidad sa pagkakaroon ng melanoma.
- Kabuuan ito ng mga naisaad sa taas. Huwag baliwalain kahit ang maliliit na pagbabago sa nunal bago pa ito magdulot ng hindi maganda sa balat.
“Any new or changing moles should be seen by a skin cancer specialist,” payo ni Claire Crilly, Espesyalista ng The MOLE Clinic.