MATATAGPUAN sa lalawigan ng Bataan ang matamis na biskwit na Araro na mula sa harina ng arrowroot.
Ni: Crysalie Ann Montalbo
LIKAS sa ating mga Pilipino ang pagiging malikhain pagdating sa pagbubuo ng mga matatamis na konsepto na siguradong iyong titikman at susubukan.
Sa probinsiya ng Bataan, sari-saring pasalubong ang nakahain para sa mga bibiyaheng gustong mag-uwi ng mga produktong kilalang nagmula rito. At isa sa mga pinipilahang pasalubong sa Bataan ay ang Araro cookies.
ARARO
Ang araro o arrowroot cookies ay matamis at malutong. Hugis bulaklak ito at nakabalot sa papel de Hapon.
Panderos ang tawag dito sa Colombia at Ojaldra naman sa bansang Dominican Republic.
Ang araro ay nagbibigay ng malaking benepisyo sapagkat naglalaman lang ito ng mababang porsyento ng gluten o mga protinang nakikita sa wheat, barley, atbp. na maaaring maging delikado sa katawan ng isang tao. Nakakapagpaalis din eto ng sakit sa tiyan, nakakapagpabilis ng metabolismo, nakakatulong sa pagbabawas ng timbang at sinasabing nakakapagpaganda rin ng ating mga balat.
PINAGMULAN NG PAG-UNLAD
Hindi mabubuo ang kwento ng biskwit kung hindi mapag-uusapan ang pangunahing sangkap na bumubuhay sa legasiya ng araro cookies.
Sa index ng Bureau of Agricultural Research, isa sa mga testimonyang natulungan ng produktong araro ay ang anak ng isang magsasaka sa Catanauan, Quezon, si Alodia Rey. Malapit sa kanyang puso ang agrikultura kaya’t nagpakasal siya sa isang magsasaka. Mula sa pangingisda ay naisipan niyang lumipat sa pagtatanim ng arrowroot dahil nakitaan niya ito ng malaking potensyal sa paglago ng kanilang kabuhayan. Ang arrowroot ang siyang ginagawang arina para sa araro cookies.
Simula noon, ito na ang pinagmumulan ng kabuhayan sa Catanauan. Nag-umpisa na rin ang paglawak ng paggawa ng araro cookies na nagbibigay ng malaking tulong bilang produktong iniluluwas.
Kahit ito’y araro lamang, ipinagmamalaki ni Rey na napapag-aral niya na ang kanyang mga anak.
“Marami ang nagtatanong kung paano kami nakapagpapaaral ng mga anak, e ako’y isang magsasaka lamang? Sinabi ko sa kanila, sipag at determinasyon ang aming sikreto,” sabi ni Rey.
Subalit, may araw din na hindi umayon ang langit sa pinagkakakitaan ng ginang. Nagtaas ang pangangailangan ng araro kaya’t kinulang siya ng produksyon dahil sa kakulangan sa kagamitan at makabagong teknolohiya para sa produksyon ng starch at tuber.
Buti na lamang at nagpadala ng mabuting balita ang Department of Agriculture (DA) na sila’y magtatayo ng proyektong “Community-based Participatory Action Research (CPAR) on Improved Arrowroot Production Technologies and Enhancement of the Arrowroot Starch and Flour” na siyang bumago sa buhay ng karamihan sa Catanauan, Quezon.
Marami ring benepisyo mula sa CPAR ang nakatulong sa pamilya ni Rey.
“May nakabili ng kalabaw, baka, baboy at mga appliances at may mga nakapagpagawa rin ng kanilang bahay at dagdag pa rito ang gastusin sa pagpapaaral at tustusin sa pang araw-araw na pangangailangan,” pahayag ni Rey.
“We are very happy with how our lives have improved because of CPAR. We are thankful for the new technology and the training that were provided to us. They were such a big help to us,” sabi niya.
Sinabi rin ni Rey na ang kanyang mga likhang araro cookies ay naibahagi niya sa lugar ng Maynila, lalawigan ng Marinduque at Mindoro. At ang kanyang pinagkakitaan mula rito ay nagbigay sa kanya ng pagkakataon na makabili ng baka para sa kanilang sakahan.
Dahil sa tagumpay ni Alodia Rey mula sa araro cookies, maraming mga magsasaka ang nahikayat na magtanim ng arrowroot.
ANG TAMIS NG KASALUKUYANG PANAHON
Ang Samal, tinaguriang Araro Capital ng Bataan, ay patuloy na nagpapakita ng pagmamahal sa produksyon ng Araro.
Ayon sa PIA, noong 2005 ay nagbigay tulong ang Department of Science and Technology (DOST) sa pamamagitan ng pagpapahiram ng P394,000 sa Joyce Special Araro and Other Pastries (JSAOP), isa sa mga nangungunang pagawaan ng araro sa Samal.
Ayon kay Rosalie V. Ona, isa sa mga opisyal ng DOST sa Bataan, ang tulong pinansyal ay gagamitin para sa pagbili ng dough mixers para sa paggawa ng Araro, at ang isa nama’y para sa gorguria at lengua.
Ngayong taon ay kasalukuyan pa ring nagtitinda ng Araro cookies ang JSAOP na matatagpuan sa Petronilla Village, sa bayan ng Orani, Bataan.
Bukod sa JSAOP, ilan pa sa mga pasalubong centers sa Bataan ay nagtitinda ng Herrera’s Special Araro Cookies with Cashew Nuts.
Lubos na ipinagmamalaki ng Bataan ang produktong popular sa karamihan mapabata man o matanda na nagpapahayag ng talino sa paglikha at pagiging “sweet” ng mga Pilipino.