ADMAR VILANDO
NAGING matagumpay naman ang Criminal Investigation and Detection Group ng Davao Region sa kanilang kampanya kontra kriminalidad ngayong taon.
Sa Pulong Balitaan nitong kamakailan, sinabi ni Major Milgrace Driz, Deputy Head ng CIDG-11 na nakapokus ang kanilang Anti-Criminality Program sa pagmomonitor, pag-iimbestiga at sa prosekusyon ng kriminal na sangkot sa economic sabotage at iba pang high-profile na mga kaso.
Sa ipinakitang record ng CIDG-11, sa kanilang ‘oplan-tugis’, lumalabas na mula Enero hanggang Disyembre a-17 ay mayroon na silang naisagawang 406 operations, nahuling 449 katao at may nasamsam na anim na firearms.
Samantala, sa kanilang ‘oplan paglalansag omega’ o kampanya kontra sa paggamit ng mga loose firearms at pagsugpo sa mga pribadong armadong grupo, ay nakapagsagawa na sila ng 32 operasyon kung saan naaresto nila ang nasa 53 katao.
Naaresto naman ang nasa 90 katao sa kanilang kampanya kontra sa mga criminal gangs habang naaresto din ang nasa 50 katao at nasampahan ng kaso ang nasa 47 sa ilalim naman ng kanilang kampanya kontra sa pagsusugal.
Nasampahan naman na ang anim na iba pa matapos itong mahuli sa kanilang isinagawang operasyon sa ilalim ng kanilang ‘Oplan-Magdalena’ o kanilang kampanya kontra prostitusyon at pornograpiya.
Ipinangako naman ng CIDG-11 na mas paiigtingin pa nila ang kanilang mga operasyon sa loose firearms at private armed group sa taong 2020.