PANGULONG Rodrigo Duterte at MNLF leader Nur Misuari nagkaroon ng maikling pagpupulong sa Malacañang.
Ni: Jonnalyn Cortez
SINURPRESA ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang marami nang inihayag nitong nagkaroon ng maikling pagpupulong si Pangulong Rodrigo Duterte at Moro National Liberation Front (MNLF) founder Nur Misuari sa Malacañang kamakailan.
Tumagal ng 15 minuto ang pag-uusap at humingi ng tawad ang presidente at nagpasalamat kay Misuari para sa mahabang pasensya dahil sa hindi pa naipapatupad na pederalismo.
“What transpired … was that the President told the chairman that he admired his patience and he apologized for not having implemented or enforced whatever agreements they had previously with respect to federalism,” wika ni Panelo.
Tinitingnan diumano ni Duterte na makagawa ng bagong peace agreement kasama ang MNLF pagkatapos ng pagkabuo ng Bangsamoro Transition Authority (BTA).
“I told Nur we are on good terms. Nur said he is willing to talk and he has waited this long for me to make a decision when he comes back,” paglalahad ng presidente sa general assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP).
Dagdag pa ng pangulo, handa si Misuari na pag-usapan ang tungkol sa kapayapaan. “Maybe it’s age. He only wants to talk. He does not want to fight,” pagpapaliwanag pa niya.
“Itong kay Nur, areglo na tayo. Sabi ni Nur, he’s willing to talk. He’s waiting for me to make a decisive decision when he comes back,” pagtutuloy ni Duterte.
Pagkatapos ng pag-uusap, dumalo si Misuari sa ika-46 na sesyon ng Organization of Islamic Cooperation (OIC) Council of Foreign Ministers sa United Arab Emirates (UAE) at sa pagpupulong ng Parliamentary Union of the OIC Member States (PUIC) sa Morocco matapos gumawa ni Duterte ng paraan upang makabiyahe ang lider ng MNLF.
NUR Misuari, pinayagan ng Sandiganbayan bumiyahe sa ibang bansa sa tulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.
BAGONG KASUNDUAN PARA SA KAPAYAPAAN
Inatasan ni Duterte si Presidential Adviser for the Peace Process Carlito Galvez, Interior Secretary Eduardo Año at Defense Secretary Delfin Lorenzana na gumawa ng draft ng peace agreement.
“We still need that (peace agreement with MNLF). And they are revolutions driven with territorial intentions or objectives. Once you have ironed that, and we are able to talk to them, you must understand Philippine history and the core of what ails this country,” paliwanag ng dating mayor ng Davao.
“And I told them, time for us to craft a new deal for the MNLF of Misuari,” paglalahad ni Duterte.
Matatandaang gumawa ng peace agreement ang MNLF katuwang ang gobyerno sa ilalim ng pamamahala ng dating Presidente Fidel Ramos noong 1996. Sa ilalim ng kasunduan, pinayagan ang pagbuo ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at si Misuari ang naging unang gobernador.
Sa kabilang dako, siniguro ni Executive Secretary Salvador Medialdea na walang kapalit na kondisyon ang paggawa ng bagong peace agreement sa pagitan ni Duterte at Misuari.
“Walang conditions whatsoever,” pagtitiyak nito.
Nilinaw din ni Medialdea na ang gusto ni Duterte ay isang “gentlemen’s agreement” sa pagitan ng magkabilang panig ng makahanap ng paraan upang magkaroon ng “unlimited peace” sa Mindanao.
“Hindi nga agreement. Parang more of a gentleman [agreement] na mag-usap na lang tayo dito, magtulungan tayo dito,” paliwanag ni Medialdea.
PAGBISITA NI MISUARI SA IBANG BANSA, GINAWAN NG PARAAN NI DUTERTE
Inihayag ni Duterte na gumawa siya ng ilang “arrangement” upang mapayagan makabiyahe sa abroad si Misuari.
Nahaharap si Misuari sa ilang kaso ng rebelyon dahil sa naganap na Zamboanga siege noong 2013. Nahaharap din ito sa paglilitis sa Sandiganbayan para sa dalawang counts ng graft at dalawang count ng malversation dahil sa “falsification of public documents” dahil sa maanomalyang pagbili ng mga gamit pang eskwelahan noong siya ang gobernador pa ng ARMM.
“He was not allowed by the court to go out because he has pending charges when he was armed. So I had to make some arrangements. Sabi ko, this is a personal request of me, which I do not do at any time, at any other time. Sabi ko, papasukin — ah palabasin ninyo,” paglalahad ni Duterte.
Hindi naman nilinaw ni Duterte kung kanino humingi ng tulong upang makabiyahe si Misuari, na pinayagan ng Sandiganbayan na pumunta abroad.
MISUARI, KIKILALANING ‘STATESMAN’
Batid ng marami ang malapit na pagkakaibigan ni Duterte at Misuari, kaya hindi na nakakagulat nang sabihin nito sa harap ng mga delegado mula sa Indonesia, Malaysia at Brunei Darussalam na kikilalaning ‘statesman’ balang araw ang dating gobernador.
“Nur to his everlasting credit, someday he would be recognized as one statesman above just being or aside from being a revolutionary warrior,” wika ni Duterte.
Inihayag din ni Duterte na muli silang mag-uusap ni Misuari sa lalong madaling panahon tungkol sa mga isyung pangkapayapaan.
“It should be soon, and as a matter of fact any other agreement with any other revolutionary front should take place simultaneously,” dagdag pa niya.
Nabanggit din ni Duterte ang kawalan niya ng pasensya ukol sa mga usaping pangkapayapaan, dahil na rin sa kanyang edad at meron na lamang siyang tatlong taong nalalabi bilang pangulo.
“As I grow old and I see the horizon, it’s just not really a very long way from now. I will be gone. And I would like to sinasabi ko sa military maybe I cannot wait really for peace to travel in a very snail pace,” wika nito.
Siniguro naman ni Panelo ang nalalapit na muling pag-uusap ni Duterte at Misuari.
“They would be talking again, they did not have much time to talk so they will meet again,” pahayag ni Panelo.