Mula sa basahan ngayon ay nililibot ni Mario ang kanyang sariling garments shop. Marami at malaki ang kompanya ni Mario, mula sa isang makina ngayon ay may pangalan na. Nanatiling payak ang pag-uugali ni Ocampo kahit pa tuluyan nang nagbago ang kanyang kapalaran.
Ni: Ana Paula A. Canua
KUNG may gusto kang gawing negosyo ngunit walang sapat na kaalaman, kailangan maging handa ka na gumugol ng maraming oras upang pag-aralan ang negosyo nan nais pasukin upang maiwasan ang pagkalugi mula sa maling desisyon. Ito nais ibahagi ni Ginoong Mario Ocampo na isang mananahi.
Gaano man magmukhang simple ang pananahi, ibang lebel ng dedikasyon ang kinailangan upang makagawa ng produkto mula sa retaso. Kahit pa mukhang pambabae ang pinasok na hilig, hindi nagpapigil si Ginoong Mario na maging kasing galing sa pagtatahi ng detalye at pagiging malikhain sa disenyo at istilo.
Tubong Pampanga at mula sa isang mahirap na pamilya, katulad ng maraming salat sa buhay kinailangan ni Mario na magbanat ng buto upang makatulong sa pamilya.
Sa kanilang maliit na bakuran nagmumula ang ikinabubuhay ng pamilya Ocampo. Ang gulay na tinatanim ng mga magulang ni Mario sa kanilang bakuran ay kanyang nilalako sa mga kapit-bahay hanggang palengke upang kumita.
Dahil ang kanilang pamumuhay, para lang makaraos sa araw-araw, nag-ambisyon si Mario ng mataas. Sa kanyang paglaki ninais niyang takasan ang hirap sa probinsya at na-engganyo na mag- punta sa Maynila.
Panahon ng pag-usbong ng negosyo sa Kalakhang- Maynila noon, nagsulputan ang kabi-kabilang trabaho. Ang paglago ng kabuhayan sa Maynila ay siya ring pagdagsa ng mga nakikipagsapalaran na taga-probinsya.
Byaheng Maynila
Isang tailor shop ang sadya ni Mario sa Maynila. Dahil binata pa lamang nagsilbing ‘boy’o utusan muna si Mario, maaasahan siya sa lahat ng gawain, ito man ay tagalinis, tagabili, tagahingi ng kaning baboy o alalay sa tindahan. Sa murang edad naging madiskarte si Mario, natutuhan niya ang halaga ng pagsisikap para kumita. Bilang ‘promdi’ unti-unting nakikibagay si Mario sa pamumuhay ng taga-Maynila. Malaki ang mundo niya sa Maynila, sari-sari ang kanyang nakakasalamuha, mas mahirap ngunit ibig sabihin din ay mas malaki ang oportunidad.
Nagtiyaga si Mario sa maliit at nakakapagod na hanap-buhay, samantala kung may libreng oras naman pinapanood niya ang mga mananahi sa paggawa ng damit.
Nasabik si Mario na humawak ng makina, at makagawa ng sariling yaring damit. Nang mabigyan ng pagkakataon tinuruan siya ng mga mananahi sa kanilang tindahan. Para sa kanya isang ‘promotion’ ang humawak ng makina kaysa maglinis. Pinagbuti ni Mario ang kayang paggawa. Kumikita ng P15 kada pantalon at polo si Mario, nagtuloy-tuloy lamang siya hanggang sa makaipon para sa kanyang kolehiyo. Sa kanyang pag-aaral ng kursong “Commerce” pinagsasabay niya ang pananahi at pagpasok sa eskwela.
Nagkabuhol-buhol na kapalaran
Hindi kinalaunan natagpuan ni Mario ang kanyang sarili na kinasasawaan ang pananahi. “Ayaw ko na manahi, kaya nagtapos ako, gusto ko nakabarong at polo sa pagpapasok sa trabaho.”
Noong makapagtapos noong taong 1986 ay siya namang bagsak ng ekonomiya, nagsasara ang mga kumpanya at mahirap makakuha ng trabaho. Noong mga panahon na iyon, nawalan ng pag-asa ni Mario na makamit ang magandang buhay sa pagkakataong iyon, pakiramdam niya tila dumadaan siya sa butas ng karayom at unti-unting napupunit ang kanyang mga pangarap.
Tagpi-tagping pangarap
Inamin ni Mario na labag sa loob niya ang bumalik sa pananahi dahil bukod sa masasayang ang pinag-aralan niya, pakiramdam niya rin ay muli siyang babalik sa simula.
Ilang taon muli na nanahi si Mario,dahil walang mapagpipilian, nagpursige na lamang siya sa trabaho,gamit ang sinulid unti-unting tinahi ni Mario ang kanyang kinabukasan. Nagbunga naman ito dahil ilang taon lamang na-promote siya bilang supervisor ng patahian. Namuhay ng payak si Mario at dahil nasa hustong gulang na rin, naisipan na niyang bumuo ng pamilya.
Nang manganak ang kanyang misis, kinailangan niya na manatili ng kanilang bahay upang alagaan ang kanilang anak, nagsilbing butihing ama si Mario. Napag-isipan nilang mag-asawa na siya na lamang ang manatili sa tahanan upang mag-alaga sa anak.
Upang makatulong pa rin sa kita ng pamilya, nagsimulang manahi ulit si Mario, sa pagkakataong ito sa loob ng kanilang bahay ang kanyang naging pagawaan. Gamit ang retaso ng tela gumagawa siya ng basahan at kanyang pinagbibili sa mga tsuper at tindahan. Dahil may parehong kaalaman sa paggawa at pagtitinda, ginamit niya ito upang magsimula ng maliit na negosyo.
Asenso mula sa retaso
Apat na buwan na gumawa ng basahan ni Mario at isang araw habang namimili sa Divisoria ng sinulid, inalok siya na maging subcontractor ng Cinderella Marketing Corporation. Ibig sabihin tatahi siya ng mga damit na isusuplay ng kumpanya sa kanilang mga kliyente. Hindi kalaunan nagkaroon din siya ng parte sa kompanyang Oshkosh ‘B gosh at gumagawa ng damit pambata.
Lumago ang kanyang negosyo mula sa 50 piraso kada Linggo naging 200 hanggang sa lumaki sa 1,500. Kinailangan ni Mario na kumuha ng dagdag na tao at makina.
Naging maparaan si Mario, pinakinabangan niya ang mga retaso at ginawang bagong produkto. Nakayanan niyang makagawa ng polo, blouses at uniporme. Mula roon naisipan niya na supplayan at kumuha ng sariling kliyente mula sa gawang mga damit.
Taong 1993, natayo ang Marty’s Garments na nagsusuply hindi na lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa. Sa kasalukuyan, may damit pambata at uniporme ang kumpanya ni Mario.
Mula sa retaso nakamit niya ang asensyo. Ngayon may 3 ektaryang lupain, babuyan at prutasan mayroong ding mga magagarang sasakyan, at mansion sa Pampanga ang Ocampo.
Sino ang mag-aakala na “from rags to riches” ang magiging habi ng kanyang kapalaran, na ilang beses man mabuhol, nangangahulugan na maaring magsimula pa rin at ang paglusot sa ilang ulit na butas ng karayom ay para pala matahi ang tagpi-tagping pangarap.