Nanindigan ang Department of Justice (DOJ) na pasok sa inilatag na exception sa usapin ng reglementary period na isailalim sa inquest proceedings ang mga naarestong magkapatid na sina Ozamiz Vice Mayor Princess Nova Parojinog at Reynaldo Parojinog, Jr.
Iginigiit kasi ni Atty. Ferdinand Topacio na dapat mapalaya ang kaniyang mga kliyente matapos na mabigo ang PNP-CIDG na magsampa ng pormal na reklamo sa loob ng 36 na oras.
Pero sa resolusyon ng DOJ na pirmado ni Acting prosecutor general Severino Gana ay tinukoy nito na “excusable” ang pagkaantala ng inquest proceedings.
Depensa ng PNP-CIDG na kinailangan pa raw nila kasing dalhin ang mga respondent patungo ng Maynila mula sa Ozamiz City dahil sa isyu ng seguridad, lalo pa at ang nag-isyu ng search warrant ay ang Quezon City Regional Trial Court kung saan ang mga respondents ay kinakailangang madala duon para sa return of the warrant at magprisinta ng imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensa sa raid.