KAPATAWARAN at pagtanggap sa sarili ang siyang sagot sa ating pag-unlad.
NI: CHAMPAIGNE LOPEZ
ANG pagpapatawad sa sarili ay kakabit ng pagtanggap sa ating kamalian. Walang taong perpekto at lahat tayo ay nagkakamali, ngunit ang bawat pagkakamali ay ituring nating leksyon para sa ating sarili.
Madalas tayo humingi ng tawad sa ibang tao dahil sa nagawa nating mali minsan pa nga ay ang kapalit ng kasalanan natin ay ang pagsilbihan sila. Minsan pa ay kailangan natin silang bayaran upang tayo ay mapatawad. Ngunit nakakalimutan natin na patawarin din ang ating sarili.
Ano nga ba ang mga benpisyo ng pagpapatawad sa sarili?
Mas makikilala mo ang iyong sarili. Ang pagpapatawad natin sa ating sarili ay daan din upang mas makilala natin kung sino tayo. Dahil dito mas maiintindihan natin na hindi tayo perpekto at ayos lang na kung minsan ay magkamali dahil ang mahalaga ay yung may natutunan tayo sa ating karanasan. Ang bawat pagkakamali rin na nalagpasan natin ay ang siyang magpapaintindi sa atin na kaya nating magbago at mayroon pa pala tayong magagawa para maayos ang ating sarili.
Pagiging positibo. Dahil sa pagpapatawad at pagtanggap natin sa ating sarili ay mas nagiging positibo tayo sa buhay na siyang makakatulong sa ating disposisyon at pag-unlad bilang isang tao. At kapag tayo ay positibo, mas maraming darating na oportunidad sa atin.
Pagiging malakas. Makakatulong din ang pagpapatawad natin sa ating sarili sa pagiging malakas, hindi sa pisikal na aspeto kundi sa bawat pagsubok na ating kinakaharap. Dahil sa ating pagpapatawad sa sarili ay mas nagiging matatag tayo at handa muling harapin ang mga panibagong pagsubok.