Ni: Crysalie Ann Montalbo
MADALAS, hindi maiiwasan ang galit o tampo na iyong iniinda hindi lamang sa iyong kasintahan, pati na rin sa iyong kapatid, kaibigan, o maging ang magulang mo. Mahirap dahil dumadating ang pagkakataon na hindi mo mapigilang mangyari ang mga bagay na inaakala mong imposible at tuluyang bumuo ng galit at sama ng loob sa iyong puso. Ngunit bilang isang tao, kailangan mong matutunan ang maging mapagpalaya sa iyong emosyon at magmuni-muni sa mga maaaring mangyari kung sakaling hindi mo rin matiis na matapos na ito. Narito ang iilang mga tips na pwedeng maging gabay sa’yo.
-
Pagpapatawad
Marahil ito na ang isa sa mga pinakamahirap na aspekto na kailangan mong harapin. Kinakailangan ang pagpapatawad sa loob ng isang relasyon.
Sa pagpapatawad, natutulungan kang makawala sa galit na iyong nararamdaman sa isang tao. Hindi mo kailangang magpatinag sa nag-aapoy na emosyon. Bagkus, subukan mong intindihin ang mga bagay o rason sa likod ng iyong galit. Tignan at linawing mabuti ang opinyon ng dalawang kampo. Isang simbolo ng pagmamahal at pagiging mabuti ang pag-unawa.
-
Pagbabago ng ugali
Sa halip na palalain ang sitwasyon sa pagitan ng taong nakasamaan mo ng loob, subukang baguhin ang pananaw ukol sa isang isyu. Pwede kang maging positibo sa paghahanap ng solusyon sa iyong problema o kaya nama’y subukan maging kalmado at huwag na huwag mong iisipin na ang iyong kaharap ay ang iyong kaaway kundi isang malapit sa ‘yong puso. Mahirap kontrolin ang galit ngunit walang mawawala sa pakikitungo nang maayos kung hindi ito susubukan hanggang sa ito ay iyong makasanayan.
-
Ituon ang atensyon sa taong nakasamaan ng loob
Upang mawala ang sakit at galit na nararamdaman mo sa isang tao, ituon mo rin ang iyong atensyon sa kanila. Sa pagkakataong iyon ay isipin mong hindi lang ang iyong kaisipan at nararamdaman ang nasasangkot sa usapin. Alamin ring mabuti ang mga bagay na nakakaapekto rin sa kanila dahil kailangan mong pakatandaan na hindi lang sa iyo umiikot ang mga problemang ito. Ika nga, lahat ng bagay ay may kaakibat na dahilan.
-
Pagpapahalaga
Laging pakakatandaan na nangingibabaw pa rin ang kahalagahan ng tao kaya alam nating kakayanin natin ang anumang galit o sama ng loob na malagpasan ito para sa ating mga mahal sa buhay. Hindi mahihigitan ng ating nararamdaman ang mga taong bumubuo sa araw natin.
Karaniwan ang magtampo o magalit, ngunit hindi ito kinakailangang patagalin. Sa huli, mas importante pa rin ang pagkakasundo at pagmamahalan ng bawat isa.