Ayon sa pagsusuri na ang pagtulog na nakabukas ang ilaw ay nagdudulot ng masamang epekto sa kalusugan.
Ma. Leriecka Endico
Ang pagtulog ay isa sa mga pangunahing pangangailangan ng ating katawan. Tinutulungan nito ang ating cells na mag-regenerate upang mas makatakbo nang maayos ang ating sistema at panatilihin ang malusog na pangangatawan. Ngunit, paano kung may mga bagay tayong hindi napapansin sa ating pagtulog na imbes na makatulong sa ating katawan ay mas lalo pa itong mapasama? Katulad na lang ng ilaw na may malaking epekto sa ating katawan tuwing natutulog.
Isang pagsusuri ang lumabas na mataas ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser (colon, breast at prostate) sa pagtulog nang bukas ang ilaw. Ilan sa mga bagay na nakaka-apekto dito ayon sa pag-aaral ay ang pagta-trabaho sa gabi at pagtulog nang bukas ang TV o ano mang bagay na may liwanag.
Nagdudulot ito ng ‘hormonal imbalance’ dahil hindi nasusunod ang normal na ‘biological body clock’ ng ating katawan na ang tawag ay ‘circadian rhythm’. Ang ating katawan ay naka-disensyo sa orihinal nitong sistema na araw at gabi. Araw ang pinagkukunan nito ng liwanag tuwing araw at buwan naman sa gabi. Mayroon tayong ‘melatonin’, isang hormone na nagko-kontrol sa ating ‘circadian rhythm’. Mas mahaba at malalim ang ating pagtulog kapag mataas ang ating ‘melatonin’ habang mas maiksi at mababaw naman kung mababa ang bilang. Isa ito sa mga bagay na nakadudulot ng kanser, diabetes at obesity.
Narito ang ilan sa mga bagay na makatutulong upang mapanatili ang malusog na ‘circadian rhythm’ ayon kay Dr. Stephen Lockley, isang Harvard sleep researcher:
- Iwasang tumingin sa maliliwanag na screen ng isang oras bago matulog.
- Iwasang buksan bigla ang mga ilaw kapag nagising sa gabi.
- Gumamit ng screen filter sa mga gadgets na ginagamit.
- Magpa-araw ng sapat dahil makatutulong itong mapaigi ang ating pagtulog sa gabi.