CHERRY LIGHT
NILINAW ng Philippine Airlines na sasailalim sa 14 days mandatory quarantine ang mga nastranded na mga pasahero na kukunin mula China at dadalhin pabalik ng Pilipinas sa Lunes.
Gayunpaman ito ay home quarantine lamang at hindi na dadalhin sa Nueva Ecija para isailalim ang dalawang linggong quarantine sa mga pasahero.
Ito ang kinumpirma ni PAL Spokesperson Cielo Villaluna sa SMNI kasunod sa inanunsiyo na nakatakda itong maglaan ng special flights para sa mga na-stranded na mga pasahero na naapektuhan ng travel ban sa pagitan ng Manila at China.
Aniya ang flight PR 334 na may ruta na Manila- Xiamen ay aalis ng alas 7:30 ng umaga habang ang pabalik naman nito na flight PR 335 mula Xiamen ay darating ng alas 1:05 ng hapon.
Planong gagamitin ng PAL ang 199-seater na airbus A321 para sa mga pasaherong isasakay sa Lunes.
Iginiit din ni Villaluna na ang mga pasahero lamang na papayagang sumakay na mula Xiamen patungong Manila ay mga Filipino citizen at holder ng Philippine Permanent Resident Visa lamang habang ang mga sasakay naman na mula Manila patungong Xiamen ay mga Chinese o iba pang mga dayuhan na lalapag sa Mainland China sa pamamagitan ng Xiamen Gaoqi International Airport, na itinuturing na gateway patungo sa iba pang lugar sa China.
Bukod sa mga pasahero ay sasailalim din sa dalawang linggong home quarantine ang piloto at cabin crew na pawang nagboluntaryo sa naturang special flight.
Matatandaang sinimulang ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang travel ban nito lamang Pebrero 2 para sa mga dayuhan na manggagaling mula China, Hongkong at Macau kaugnay sa ikinababahalang pagkalat ng 2019 nCoV ARD sa bansa.