TINIYAK ng local meat processors na ligtas ang mga processed pork product na gawa sa bansa.
Sa kabila ito ng mahigpit na kampanya ng Food and Drug Administration na alisin ang lahat ng processed meat products na inangkat mula sa mga bansang apektado ng African Swine Fever (ASF).
Nilinaw ng Philippine Association of Meat Processors Inc. (PAMPI) na ang locally processed products, kabilang ang mga delata at hotdog ay walang taglay na karne mula sa mga bansang tinamaan ng swine fever.
Sinabi ni PAMPI President Felix Tiukinhoy na dapat maging maingat at product-specific o detalyado ang recall orders ng FDA dahil maaari itong magdulot ng kalituhan sa mga konsyumer.
Hinihiling din nila sa FDA na tukuyin ang mga brand at countries of origin ng mga meat products, sa halip na mag-isyu ng general statements.